Home NATIONWIDE Coral reefs sa Escoda shoal halos 100% nang sira – eksperto

Coral reefs sa Escoda shoal halos 100% nang sira – eksperto

MANILA, Philippines – “Halos 100% nang patay” ang mga bahura sa Sabina Shoal, na kilala rin bilang Escoda Shoal, sabi ng mga siyentipiko mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) ngayong Biyernes.

Sa isang press conference, sinabi ni Jonathan Anticamara ng UP Institute of Biology na naobserbahan nila ang malawakang coral bleaching matapos nilang magsagawa ng marine scientific survey sa lugar.

Noong nakaraang buwan, iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagtatapon ng mga wasak na korales malapit sa lugar.

Ang People’s Liberation Army (PLA) ng China ay nagsagawa rin kamakailan ng mga pagsasanay militar doon na sinita ng Philippine Navy.

Ang Escoda Shoal, sa nakalipas na ilang linggo, ay nasa radar dahil sa tumaas na presensya ng mga Tsino at sa lumalalang alitan sa teritoryo.

Sumiklab ang tensyon sa pagitan ng mga coast guard ng Pilipinas at China sa Escoda Shoal noong unang bahagi ng linggo matapos tangkaing harangin ng mga puwersa ng China ang kamakailang Philippine marine scientific research mission sa pinagtatalunang bahura.

Inaangkin ng China ang bahura bilang bahagi ng teritoryo nito kahit na 75 nautical miles lamang ito sa labas ng Palawan, na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas. RNT