TABUK CITY, Kalinga – Upang maibsan sana ang init ng panahon ay nauwi sa trahedya ang masaya sanang paliligo ng magkakaibigan matapos malunod ang 9-anyos na batang lalaki sa irrigation canal sa bahagi ng Purok 6, Bulanao, Tabuk City,) Kalinga.
Bandang alas dos ng hapon nang maligo ang biktima kasama ang kanyang mga barkada sa irrigation canal. Sinubukan umano ng biktima na tumawid patungo sa kabilang pampang ng kanal ngunit habang nasa kalagitnaan ng bigla umanong tangayin ng malakas na agos ng tubig.
Agad nagkagulo ang mga kasamang bata ng biktima nang mapansin nilang nawawala ito at kaagad na inireport ang insidente sa mga awtoridad.
Mabilis na rumesponde ang rescue team ng LGU katuwang ang ilang sibilyan at ginalugad kahabaan ng irrigation canal na tumagal ng mahigit dalawang oras.
Dakong alas-4:50 ng hapon nang matagpuan ang biktima ng isang sibilyan. Kaagad itong isinailalim sa resuscitation procedure ng mga rumespondeng awtoridad at isinugod sa ospital ang bata ngunit idineklarang dead on arrival.
Paalala ng mga otoridad na laging gabayan ang mga anak para mailayo sa ano man kapahamakan. Rey Velasco