Home NATIONWIDE Mga guro sumugod sa DBM, dagdag-sahod, benepisyo ipinanawagan

Mga guro sumugod sa DBM, dagdag-sahod, benepisyo ipinanawagan

115
0
(c) Danny Querubin

MANILA, Philippines — Nagtungo sa Department of Budget and Management (DBM) ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) upang ipanawagan ang mas malaking pondo para sa umento sa sahod, benepisyo, promosyon, at regularisasyon ng mga guro at education workers.

(c) Danny Querubin

Ipinanawagan ng ACT ang P50,000 na entry-level salary para sa mga guro, P36,000 para sa education support personnel, at pagtaas ng Personnel Economic Relief Allowance (PERA) sa P5,000. Isinusulong din ng grupo ang mas patas at mas accessible na sistema ng promosyon, gayundin ang dagdag na pondo para sa regularisasyon at buong benepisyo ng mga guro.

“The president must prove his claim that teachers are ‘more important than ever.’ Empty rhetoric cannot mask the daily hardship faced by teachers and education workers abandoned by the state,” pahayag ni ACT Chairperson Ruby Bernardo.

Ayon sa grupo, patuloy na lumalala ang kalagayan ng mga guro dahil sa mababang sahod, utang, at maliit na umento sa ilalim ng Salary Standardization Law na nauuwi rin sa pagnipis dahil sa pagtaas ng presyo ng bilihin. Binatikos din ng ACT ang nananatiling P2,000 PERA mula pa noong 2009.

Kinuwestiyon din ng ACT ang Expanded Career Progression (ECP) program, na anila’y hindi nakalulutas sa backlog sa promosyon, kung saan karamihan sa halos isang milyong guro ay nananatiling nasa Teacher I hanggang III positions sa loob ng mahabang panahon.

“Libo-libo ang nag-aapply para sa promosyon, inilaan ang bakasyon para ayusin at ipasa ang mga rekisitong dokumento, samantalang iilan lang din ang napo-promote dahil sa limitadong items. 100,000 ang target na i-promote ng DepEd pero napakaliit nito kumpara sa halos milyong gurong kalakhan ay napako na sa entry-level positions sa loob ng ilang dekada sa serbisyo. Kung walang sapat na pondo, hindi ito magiging patas at para sa lahat,” ani Bernardo.

Humingi rin ang ACT ng kumpirmasyon mula sa DBM hinggil sa aktuwal na pondo para sa ECP at kung ilang guro ang aktuwal na maaaprobahan sa promosyon kumpara sa libo-libong aplikante.

Samantala, nanawagan si ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio sa DBM na ibalik ang P43.24 bilyon na umano’y tinanggal mula sa pondo para sa umento sa sahod at retirement benefits sa 2026 national budget, na inilaan umano sa lump-sum allocations para sa mga LGU.

Sa nalalapit na Labor Day, tiniyak ng ACT ang mas pinalakas na mobilisasyon kasama ang mga manggagawa at iba pang sektor para sa umento sa sahod at agarang tulong ekonomiko.

“Teachers will stand with the broad masses in demanding urgent economic relief, living wages, and a government that genuinely serves the people,” pahayag ni Bernardo.

Binatikos din ng grupo ang prayoridad sa pambansang badyet, na iniugnay nila sa umano’y malalaking gastusing militar at dayuhang interes, kabilang ang suporta sa US at mga digmaan sa West Asia.

“Fund education. Fund teachers and workers. Fund the people. The national budget must reflect this fundamental duty and nothing less,” ani Bernardo. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here