MANILA, Philippines – Inaresto ang isang 45-anyos na ina sa Malabon dahil sa seksuwal na pang-aabuso sa kanyang 9-anyos na anak na babae sa pamamagitan ng pambubugaw at pagpapalabas sa kanya ng hubo’t hubad sa isang online live show.
Nahuli ang suspek sa isang entrapment operation matapos magpanggap na dayuhan ang mga pulis na bumibili ng mga bawal na larawan ng biktima.
“[Na]engage nga namin itong suspek, nagpanggap kaming foreigner. Ang mga parokyano niya mga foreigner din eh… Hiningan kami ng paunang bayad, initial payment of P1,000 kapalit ng pictures ng minor na yun,” ani PNP Anti-Cybercrime Group Police Captain Santiago Roy.
Nang maglaon, humingi siya ng P10,000 kapalit ng mga video ng biktima.
Ang suspek ay inaresto sa isang hotel room sa Malabon, kung saan siya nagsasagawa ng malalaswang live na palabas ng kanyang anak na babae.
“Ini-induce [niya ang biktima] na mag-perform ng illicit activities, like mag modelling ng naka-hubad. Itong bata, pinangakuan nuong una, mag mo-modelling lang… Papakita lang sa mga foreigner at parokyano na nakaswimsuit pero kung pinapahubad na siya,” ani Roy.
“Ito’y inamin naman niya. Ginawa niya ang isang bagay na yun at pinagsisisihan na niya. Gusto raw niyang matapos sa pag-aaral ang anak niya,” dagdag pa ng opisyal.
Sasailalim sa inquest proceedings ang suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation Materials Act. RNT