Home NATIONWIDE P16-M kush na idineklarang sofa sets naharang sa Pampanga

P16-M kush na idineklarang sofa sets naharang sa Pampanga

MANILA – Naharang ng mga awtoridad ang dalawang wooden crates na naglalaman ng kush (high-grade marijuana) na nagkakahalaga ng P16.1 milyon sa Clark Freeport Zone sa lalawigan ng Pampanga, sinabi ng isang opisyal ng pulisya nitong Martes.

Sinabi ni Philippine National Police-Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) chief Brig. Gen. Christopher Abrahano na ang mga wooden crates na idineklara bilang sofa set ay na-flag sa X-ray inspection ng Bureau of Customs (BOC) at iba pang miyembro ng Clark-Drug Interdiction Task Group (DITG) noong Lunes.

“Walang aktwal na mga set ng sofa. Ito ay napagmasdan dahil sa kahina-hinalang nilalaman nito at tila, ang kargamento ay mula sa Bangkok at ang consignee ay dito sa Pilipinas. We will not reveal yet kung sino yung consignee,” ani Abrahano sa isang ulat.

Ang kargamento ay sumailalim sa isang paneling operation kung saan inalerto ng isang narcotics detection dog ang mga awtoridad sa pagkakaroon ng mga ilegal na sangkap, dagdag niya.

Sa karagdagang inspeksyon, natuklasan ng mga miyembro ng DITG ang 23 transparent plastic bag na naglalaman ng humigit-kumulang 10.406 kg. ng high-grade marijuana kush na nakatago sa loob ng mga crates.

Ang mga nasabat na droga ay ipinadala sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa karagdagang pagsusuri habang ang consignee na ang address ay nasa Hermosa, Bataan ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165, ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”

“Kapag nahuli namin ang consignee at nakakuha ng sapat na ebidensya, magsasampa kami ng kaso,” sabi ni Abrahano.

Isinagawa ang imbentaryo ng mga nasamsam na kontrabando sa presensya ng mga lokal na opisyal, kabilang ang isang kinatawan mula sa Office of the City Prosecutor ng Mabalacat, Pampanga. RNT