MANILA, Philippines – Naghain ng tatlong kaso ang pulisya laban sa mga dayuhan na nakuhanan ng P441 milyon na cash at iba pang salapi, sa Mactan-Cebu International Airport, inanunsyo ng Philippine National Police (PNP).
Ang mga dayuhan, na binubuo ng anim na Chinese, isang Indonesian, isang Kazakhstani, at isang Malaysian ay dinala sa kustodiya ng
Lapu-Lapu City Police Station noong Mayo 10.
Sa pulong balitaan sa Camp Olivas sa San Fernando City, Pampanga on Thursday, sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na ang mga reklamong inihain laban sa mga dayuhan ay dahil sa attempted corruption of public officials, obstruction of justice, at unlawful exportation.
Nauna nang sinabi ni Aviation Security Group (AVSEG) Director Brig. Gen. Christopher Abecia na sinubukang suhulan ng mga dayuhan ang umarestong mga pulis.
“Our foreign counterparts are in close coordination with us to ascertain the background, particularly of the nine foreigners,” ani Fajardo.
Para ipaliwanag na ang pera ay bahagi umano ng kanilang mga napanalunan, ipinresenta ng mga suspek ang sertipiko na inisyu umano ng casino sa Cebu, at nagpapakita na ang junket operator ay tinatawag na “White Horse.”
“White Horse” din ang pangalan ng isa sa dalawang junket operator na nagmamay-ari ng electronic wallet na na-trace ng pulisya na ransom money na ibinayad ng pamilya ng napatay na Filipino-Chinese businessman na si Anson Que.
Biniberipika pa ng mga awtoridad ang authenticity ng naturang certificate at ang kaugnayan ng pera sa kidnap-slay case ni Que. RNT/JGC