SULTAN KUDARAT, Philippines – Siyam na tinaguriang mararahas na extremist ang kusang sumuko sa Philippine Army noong Huwebes sa Sultan Kudarat, ayon sa mga opisyal ng militar.
Ang grupo ay binubuo ng isang dating miyembro ng Dawlah Islamiya at walong kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Isinuko nila ang kanilang mga armas sa headquarters ng 1st Brigade Combat Team (1BCT) sa bayan ng Sultan Kudarat.
Kabilang sa mga sumuko ang anak ng dating tagapagsalita ng BIFF, na kinilala bilang “Alias Tata.”
Ayon kay Tata, napagtanto niyang walang patutunguhan ang armadong pakikibaka na may karahasan at mas pinili niyang mamuhay nang normal kasama ang kanyang pamilya at maging kapaki-pakinabang na mamamayan.
Isinuko ng mga dating extremist ang isang Ultimax rifle, isang Barrett sniper rifle, at iba pang kagamitang pandigma.
Ipinresenta sila kay Col. Rommel Pagayon, acting commander ng 1BCT.
Sinabi ni Pagayon na nagpasya ang mga sumuko, na dati umanong kumikilos sa Maguindanao del Sur, matapos nilang makita na ang kanilang mga dating kasamahan ay namumuhay na nang mapayapa kasama ang kanilang mga pamilya.
Pinuri naman ni Maj. Gen. Jose Vladimir Cagara, commander ng 6th Infantry Division, ang desisyon ng mga sumuko at sinabing tama ang kanilang pagpili ng mapayapa at makabuluhang buhay kasama ang kanilang pamilya. RNT/MND