Home METRO Higit 50 mayors handang magtayo ng silid-aralan sa bagong polisiya ng DepEd

Higit 50 mayors handang magtayo ng silid-aralan sa bagong polisiya ng DepEd

281
0

MANILA, Philippines – Mahigit 50 alkalde mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nagpahayag ng kahandaang direktang magtayo ng mga silid-aralan sa ilalim ng bagong polisiya ng Department of Education (DepEd), habang nahaharap ang bansa sa kakulangan na mahigit 150,000 silid-aralan.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na maraming local chief executives ang nais lumahok sa programa dahil mas transparent umano ito at mas matipid sa gastos. Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta sina Mayor Benji Magalong ng Baguio City, Mayor Joy Belmonte ng Quezon City, Mayor Vico Sotto, at Mayor Dada Hataman ng Isabela City, Basilan.

Ipinaliwanag ni Angara na ang hakbang ay resulta ng konsultasyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), na kasalukuyang pangunahing gumagawa ng mga silid-aralan ngunit aminadong limitado lamang ang kaya nitong itayo—tinatayang hanggang 2,000 silid-aralan.

Upang matugunan ang kakulangan, papayagan na ng DepEd ang mga lalawigan, lungsod, at munisipalidad na may sapat na kakayahan na sila mismo ang magpatupad ng classroom construction, at direktang ibababa sa kanila ang pondo mula sa pambansang pamahalaan. Ayon kay Angara, unang beses itong mangyayari.

Binigyang-diin ng DepEd na ang lahat ng itatayong silid-aralan ay dapat sumunod sa minimum standards, kabilang ang tamang sukat at disenyong kayang tumagal sa matinding panahon at lindol. Maaaring mag-iba ang gastos depende sa lokasyon, uri ng lupa, at kung earthquake-prone ang lugar.

Aminado rin si Angara na lumalala ang kakulangan dahil sa mga lumang silid-aralan na itinayo pa noong dekada ’70, na lampas na sa inaasahang 20–25 taong lifespan. Mayroon ding mga paaralang naiturnover na kulang sa pintura, kuryente, at maayos na tubig.

Bukod sa LGU-led projects, pinag-aaralan din ng DepEd ang public-private partnerships (PPP) upang mas mapabilis ang pagtatayo ng mga silid-aralan. Ayon kay Angara, ito ay magiging isang hybrid na paraan ng implementasyon na layong pabilisin ang konstruksyon habang tinitiyak ang kaligtasan, tibay, at wastong paggamit ng pondo ng bayan. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here