MANILA, Philippines – Dumating sa Muscat, Oman nitong Disyembre 3 ang siyam na Filipino crew ng MV Eternity C na nakalaya mula sa mga Houthi rebels sa Yemen, at sinalubong ng mga opisyal ng Pilipinas doon.
Ayon sa Oman TV, bahagi sila ng 10 indibidwal na pinalaya ng Iran-backed Houthi rebels.
Nagpasalamat ang Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac kay His Majesty Sultan Haitham bin Tariq ng Oman sa tulong na nagpadali sa ligtas na pagpapauwi ng mga Pilipino.
Ipinakita sa video mula sa Oman TV ang mga Pilipino na bumababa mula sa eroplano galing sa Sanaa, Yemen. Ang pagpapalaya ay naging posible sa pamamagitan ng mediation ng Oman, na kasama rin ang repatriation ng humigit-kumulang 35 Yemenis na stranded abroad.
Ang mga Filipino ay hawak na ngayon ng DMW para sa repatriation pabalik sa Pilipinas. Nahuli sila ng Houthi rebels mula Hulyo matapos atakihin ang Liberia-flagged na MV Eternity C habang naglalayag. Sa mga naunang insidente, walo pang Filipino crew ng parehong barko ay nailigtas sa dagat at naibalik na sa Pilipinas. RNT/MND