Home NATIONWIDE 9 Pinoy seafarer na inaresto sa US, na-deport na!

9 Pinoy seafarer na inaresto sa US, na-deport na!

1
0

MANILA, Philippines – Siyam na Pilipinong seafarer na inaresto ng US Customs and Border Protection (CBP) sa Boston noong weekend ay na-deport na pabalik sa Pilipinas.

Ayon kay Labor Attaché Saul de Vries ng Migrant Workers Office ng Philippine Embassy sa Washington, D.C., agad na ipinauwi ang siyam matapos silang arestuhin ng mga federal agent habang sakay ng mga cruise ship na nakadaong sa Port of Boston.

Hindi na sila nakaharap ng mga opisyal ng Pilipinas dahil na-deport na sila bago pa natanggap ng mga awtoridad ang abiso tungkol sa kanilang pagkakaaresto.

Inirekomenda naman ni De Vries sa Department of Migrant Workers (DMW) na mabigyan ng financial assistance mula sa AKSYON Fund ang mga apektadong seafarer.

Bahagi ang mga pag-aresto sa “Operation Tidal Wave” ng US Department of Homeland Security at CBP, na nakatuon sa mga cruise ship seafarer na pumapasok sa Estados Unidos at pinaghihinalaang lumalabag sa batas.

Pinayuhan ni De Vries ang mga Pilipinong seafarer na mag-ingat sa paggamit ng mga website at tiyaking walang ipinagbabawal o ilegal na materyal na naka-save sa kanilang mga cellphone, computer o iba pang electronic devices.

Partikular niyang pinaalalahanan ang mga seafarer na huwag mag-access o magbahagi ng online child sexual abuse material/child pornography, at suriin ang kanilang mga gadget at dating online activities upang matiyak na walang ipinagbabawal na materyal.

Kung sakaling maaresto o ma-detain, dapat nilang hilingin agad sa mga arresting officer na ipagbigay-alam sa pinakamalapit na Philippine consulate upang mabigyan sila ng kinakailangang tulong. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here