Home METRO Comelec handa na sa BARMM polls sa Setyembre 14

Comelec handa na sa BARMM polls sa Setyembre 14

1
0

MANILA, Philippines – Isinapinal na ng Commission on Elections (Comelec) at mga security forces ang kanilang mga paghahanda para matiyak ang mapayapa, maayos at ligtas na unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Setyembre 14.

Nagsagawa ang Comelec ng final command conference noong Miyerkules sa headquarters ng Police Regional Office-BARMM sa Camp Brig. Gen. Salipada K. Pendatun. Pinangunahan ito ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia at dinaluhan ng mga opisyal ng Comelec, PNP, AFP, Coast Guard, national government at mga lokal na pamahalaan.

Kabilang sa mga dumalo sina Local Government Secretary Jonvic Remulla, PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., AFP Chief of Staff Gen. Antonio Nafarrete, Coast Guard Commander Admiral Ronnie Gil Gavan, at Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Donald Gumiran.

Dumalo rin si BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua at ilang gobernador ng rehiyon.

Ayon kay Garcia, karamihan ng training para sa mga gurong magsisilbing election personnel ay natapos na, habang isinasagawa na ang pamamahagi ng mga election equipment sa mga provincial hub. Inaasahang makarating ang lahat ng kagamitan sa mga probinsya, lungsod at munisipalidad ng BARMM bago matapos ang Agosto.

Mahalaga ang halalan dahil ilang beses na itong ipinagpaliban. Kaya umaasa ang Comelec na makaboto ang mga residente at makapili ng kanilang mga lider sa Setyembre 14.

Patuloy din ang Comelec sa pagpapatupad ng mga patakaran sa campaign materials, kabilang ang pagtanggal ng mga poster na nakalagay sa mga hindi itinalagang lugar.

Sinabi ni Garcia na stable pa rin ang security situation sa BARMM, ngunit kailangan pa ring maging mapagbantay. Aniya, maaaring may mga ordinaryong krimen na mangyari sa panahon ng halalan na mapagkamalang election-related violence.

Samantala, sinabi ni Gen. Nafarrete na wala pang namo-monitor na election-related security threat ang AFP. Gayunman, nakahanda ang militar sa posibleng pagtatangkang manggulo o manggambala sa halalan.

Naka-standby ang augmentation forces mula sa 1st Infantry Division sa Zamboanga del Sur at 10th Infantry Division sa Mawab, Davao de Oro.

Patuloy din ang koordinasyon ng AFP at PNP upang matiyak ang seguridad bago, habang at pagkatapos ng unang parliamentary elections sa BARMM. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here