MANILA, Philippines – Nasa maayos na kalagayan at nakikipag-ugnayan na sa kanilang pamilya ang siyam na Filipino seafarers ng MV Eternity C na bihag ng Houthi, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, pinayagan ng Houthi rebels ang mga seafarers na makipag-ugnayan sa kanilang pamilya.
Iniulat din niya na nasa mabuting kalagayan o kondisyon ang seafarers.
Sinabi ni Cacdac na kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA), mga gobyerno sa ibang bansa, at pamilya ng mga seafarers kaugnay ng pagsusuri sa kapakanan ng mga bihag at ang kanilang ligtas na paglaya.
Ibinahagi rin ni Cacdac na hiniling ng mga pamilya ang tulong na mabigyan sila ng regular na update kaugnay ng mga seafarers.
Noong Lunes, naglabas ang Houthi ng footage ng mga nawawalang tripulante at sinabing sila ay “nasagip” matapos ang pag-atake sa barko noong Hulyo.
Kinalaunan ay nakumpirma na siyam na Filipino seafarer ang kabilang sa mga binihag ng mga rebeldeng nakabase sa Yemen.
Nitong Martes, sinabi ng DFA na hihingi ito ng tulong sa mga kaibigang bansa upang masiguro ang ligtas na pagbabalik ng mga seafarers. Jocelyn Tabangcura-Domenden