MANILA, Philippines – Mahigit 90% sa iniulat na 115 kaso ng bullying sa mga paaralan sa Aurora ay pisikal at verbal bullying.
Sa datos na ipinresenta ni Schools Division Superintendent Dr. Dante G. Parungao, mayroong 56 kaso ng physical bullying na sinundan ng verbal bullying sa 49 kaso.
Ang social o relational bullying ay mayroong limang kaso habang ang cyberbullying naman ay may tatlong kaso.
Nakapagtala rin ng tig-isang kaso ng psychological at sexual bullying.
Ani Parungao, ang Child Protection Program ng dibisyon ay naka-angkla sa Republic Act 10627, o Anti-Bullying Act of 2013, at Department of Education (DepEd) Memorandum 90, s. 2025.
Para matugunan ang problema ay ipinatutupad ng DepEd Aurora ang SAFE Program – Shield, Affirm, Fortify and Extend at nakadisenyo upang palakasin ang learner protection at magpromote ng mas ligtas na mga paaralan.
Sa ilalim ng Shield pillar, ang paaralan ay nagbibigay ng agarang proteksyon at intervention, kabilang ang risk assessment, intake procedures, psychological first aid at counseling.
Dagdag pa ni Parungao, ang division ay nagtalaga ng limang guidance counselors sa mga natukoy na paaralan at kukuha pa ng 31 school guidance associates at isang school division counselor.
Mayroon din itong 10 certified Child Protection Specialists at maglalagay ng Blue Guards sa mga high school.
Ang Affirm Pillar naman ay nakatutok sa pag-develop ng positibong peer culture, na may learner representatives mula sa Supreme Secondary Learner Government na kabilang sa School Child Protection Committees, kasama ang peer support, bystander intervention training, at student-led information campaigns.
Sa ilalim ng Fortify pillar, pinalalakas ng DepEd ang pakikipagtulungan sa mga pamilya sa pamamagitan ng parent orientations, home visitation, at parent-teacher guidance conferences para sa mga specific na kaso.
Ang Extend pillar ay nagkokonekta naman sa mga paaralan at komunidad, kasama ang ahensya ng pamahalaan kabilang ang Philippine National Police Women and Children Protection Desk, Department of Social Welfare and Development, at Department of Health.
Ani Parungao, ang SAFE Program ay suportado ng institutional governance framework para masiguro ang consistent na reporting at accountability, kasama ang quarterly case reporting mula sa mga paaralan patungo sa division office.
Hinimok naman niya ang mga magulang at mag-aaral na isumbong ang bullying sa pamamagitan ng school child protection committees o guidance offices, at ang mga kasong nangangailangan ng higher-level intervention ay ididirekta sa DepEd-Aurora Schools Division Office.
“A child who feels safe today becomes the leader Aurora needs tomorrow.” RNT/JGC