Home NATIONWIDE 95-anyos na ina bugbog-sarado sa 75-anyos na anak na ‘di pinayagang lumabas...

95-anyos na ina bugbog-sarado sa 75-anyos na anak na ‘di pinayagang lumabas ng bahay

MANILA, Philippines- Binugbog ng isang 75-anyos na lalaki ang kanyang 95-anyos na ina sa Ilocos Norte matapos umano siyang pagbawalang umalis ng bahay.

Sa ulat nitong Biyernes, nakuhanan ang pananakit ng lalaki sa kanyang ina.

Sa isa sa CCTV footage, nahuli ang panunulak ng anak sa kanyang ina sa loob ng silid.

Makikita rin ang paulit-ulit niyang pag-atake sa kanyang ina, sa kabila ng pag-iyak nito. Sinampal pa ng anak ang biktima, dahilan upang matumba ito sa kama.

“Mayroon silang hindi pagkakaintindihan. Itong anak na suspek natin, nagpaalam sa kanyang nanay na pupunta sa isang burol. Nairita itong anak kaya nagawa niyang saktan,” pahayag ni Solsona Municipal Police Station chief Police Captain Randy Damo.

Agad na sinagip ang babae sa pagresponde ng isang barangay kagawad, base sa ulat. Dagdag pa, ang ina na kasalukuyang nasa maayos na kondisyon ay walang balak magsampa ng kaso laban sa kanyang anak.

“Ayaw naman niyang maghabla kaya ang isang intervention na lang natin, both of them will undergo counseling. ‘Yung anak naman niya ang kusang loob namang humingi ng tawad sa kanyang nanay,” dagdag ni Damo.

Kasalukuyang nasa ilalim ng police custody ang lalaki. RNT/SA