Home NATIONWIDE Mga mangingisdang Pinoy ‘di patitinag sa banta ng Tsina; proteksyon sa paglalayag...

Mga mangingisdang Pinoy ‘di patitinag sa banta ng Tsina; proteksyon sa paglalayag hiniling

MANILA, Philippines- Ipagpapatuloy ng mga mangingisdang Pilipino sa Zambales ang kanilang pangingisda sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea sa kabila ng polisiya ng China na arestuhin ang sinumang manghihimasok sa inaangkin nitong teritoryo simula ngayong Hunyo 15. 

“Iniisip po namin ‘yun, yung takot, pero mas nangingibabaw po sa amin kasi, ‘yung hanapbuhay mas importante po kasi sa amin eh,” pahayag ni Henrelito Empoc, tagapagsalita ng Bigkis ng Mangingisda Federation, sa isang panayam.

“Walang karapatan sila na magpatupad ng ganyang batas dahil atin po ang teritoryo na ‘yan. Atin po ang karagatan na ‘yan. Atin po ang West Philippine Sea na nasasakop ng EEZ, exclusive economic zone,” dagdag niya. 

Binibigyang-awtoridad ng bagong polisiya na iditine ng China Coast Guard ang “trespassers” hanggang 60 araw nang walang paglilitis, ayon sa ulat ng South China Morning Post, batay sa regulatory document ng Beijing. 

Pinagtibay ng 2016 arbitration ruling ang saklaw ng exclusive economic zone ng Pilipinas sa historical claims China sa pinag-aagawang South China Sea sa ilalim ng UNCLOS. Subalit, hindi kinikilala ng China ang desisyon.

Bagama’t hindi magpapatinag ang mga mangingisda, humingi sila ng proteksyon sa pamahalaan mula sa Chinese militia. 

“Bigyan nila ng pansin ang mga maliliit na mangingisda ng West Philippine Sea na sana bigyan naman nila ng proteksyon,” wika ni Empoc. 

I“Kung mayroon mang trespasser dito na hindi sumusunod sa international law and keeps on violating the United Nations Convention on the Law of the Sea, that’s only the Chinese Coast Guard and that’s only the Chinese maritime militia,” pahayag naman ni Commodore Jay Tarriela, PCG spokesperson for the WPS, sa hiwalay na ulat.

Ayon sa pinakabagong monitoring ng PCG sa Bajo de Masinloc noong Huwebes, dalawang China Coast Guard vessels at limang Chinese maritime militia vessels ang namataan.

Hinihingi pa ang komento ng panig ng China ukol dito. RNT/SA