Ligtas na dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong Huwebes ang 99 overseas Filipino worker (OFWs) mula Lebanon at Kuwait sa pamamagitan ng Qatar Airways Flight QR934.
Sa isang post sa social media, sinabi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na ang grupo ay binubuo ng 20 OFW mula sa Lebanon at 79 mula sa Kuwait, kabilang ang limang dependents.
Agad na sinalubong ang mga repatriated OFWs ng OWWA at binigyan ng agarang assistance tulad ng pagkain, transportasyon, at hotel accommodation kung kinakailangan.
Nangako rin ang OWWA na tutulongan ang mga gustong bumalik sa kanilang pamilya sa probinsya.
Samantala, hiniling ng Embahada ng Pilipinas sa Beirut sa mga OFW na isaalang-alang ang pag-alis sa Lebanon sa gitna ng sigalot sa pagitan ng Israel at Hezbollah na suportado ng Iran.
Hinimok din ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga OFWs, at maging ang kanilang pamilya at kamag-anak na makipag-ugnayan sa One Repatriation Command Center (ORCC) sa pamamagitan ng pagtawag sa 1348 DMW-OWWA 24/7 Hotline, o magpadala ng email sa [email protected] para sa agarang tulong at assistance.
Bukas naman ang DMW-ORCC Help Desk sa Mandaluyong City mula Lunes Hanggang Biyernes alas 8 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)