Home NATIONWIDE Bilang ng mga kasong nareresolba ng DOJ tumataas

Bilang ng mga kasong nareresolba ng DOJ tumataas

Tumaas ang bilang ng mga kasong nareresolba ng Department of Justice (DOJ) sa nagdaang taon.

Sa pagdinig ng House appropriations committee sa panukalang PHP40.6 billion budget ng DOJ para sa 2025, sinabi ni DOJ Undersecretary Frederick Vida na tumaas ang case disposition rate at prosecution success rate ng kagawaran.

Sinabi ni Vida na sa kabuuang 436,883 cases na hinawakan ng National Prosecution Service (NPS), 414,714 cases ang malapit ng maresolba.

“This is a marked improvement of prior years’ performance of the Department of Justice,” ani Vida.

Nabawasan din aniya ang case backlogs ng 63.53 percent kung kaya nasa 4,264 na lamang ang backlog nitong 2023 kumpara sa 11,691 case backlogs noong 2019.

Umangat din ang prosecution success ng DOJ sa 89.55 percent nitong 2023 mula sa 88.65 percent noong 2019.

Bunsod aniya ito ng pagsusumikap at paninindigan ng DOJ kaugnay sa pagsasagawa ng imbestigasyon at case buildup ng mga kaso na nakasampa sa korte.

“The whole department remains steadfast and optimistic in sustaining if not surpassing its high performance results.”

Ipinagmalaki rin ni Vida na naresolba ng NPS ang 93.95 percent ng mga criminal complaints nitong 2023.

Naaksyunan rin ng DOJ ang lahat ng aplikasyon para sa witness protection nitong 2023. TERESA TAVARES