LAGUNA- Arestado ang dalawang Chinese national matapos umanong dukutin ang babaeng kapwa Chinese, kaninang umaga sa Sta. Rosa City.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Xie Jing Long at kasama nitong si Sheng Likun.
Nailigtas naman ng mga awtoridad ng biktimang si Zhong Jin Ming.
Batay sa report ng Police Region 4A, nakatanggap sila ng report mula sa isang residente na si Carlos Delaro, ng Barangay Malitlit ng nasabing lungsod.
Kwento ni Delaro, bandang alas-10 ng umaga, nagulat na lamang siya nang makita ang biktima na gumagapang habang nakaposas ang mga kamay at humihingi ng tulong.
Mabilis namang humingi ng tulong sa kanyang mga kapitbahay at ipinagbigay-alam sa pulisya ang pangyayari na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakuha sa mga suspek ang isang .45 kalibre na baril na may 12 bala, P137,555, 3 mobile phones, at mga personal na kagamitan.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, dinukot ng mga suspek ang biktima sa parking lot sa ParaƱaque Integrated Terminal Exchange , ParaƱaque City saka dinala sa Sta. Rosa City.
Kasalukuyan nagpapatuloy ang ginagawang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente. Mary Anne Sapico