BANTAY, Ilocos Sur-PATAY ang isang pulis matapos sumalpok sa pick-up truck ang minamaneho niyang motorsiklo sa national highway ng bayang ito.
Kinilala ang biktimang si Police Staff Sgt. Romualdo Mario Valorozo Piamonte Jr., 46, nakatalaga sa Provincial Police Mobile Group at residente ng Sitio Calawaan, Brgy. Tamorong, Sta. Catalina, Ilocos Sur.
Sugatan naman ang driver pickup truck na kinilalang si John Ariel Lagadon Duco, 57, ng Badoc, Ilocos Norte habang hindi naman nasugatan ang driver naman trailer truck na si Sergio Managkay Engco, 51, ng Barangay Dominlog, Calauag, Quezon.
Batay sa report ng Bantay Police Station naganap ang insidente umaga noong Biyernes sa Barangay Puspus, Bantay, Ilocos Sur.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo ng bigla na lamang umanong mag-overtake sa kasunod na trailer truck ng bigla na lamang siyang sumalpok sa Isuzu pick-up truck.
Bumagsak sa kalsada ang biktima at agad naman dinala sa ospital subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente./Mary Anne Sapico