Home HOME BANNER STORY Mga miyembro ng Socorro Bayanihan posibleng mawalan ng tirahan

Mga miyembro ng Socorro Bayanihan posibleng mawalan ng tirahan

533
0

MANILA, Philippines – Posibleng mawalan ng tirahan ang mga miyembro ng umano’y kulto na Socorro Bayanihan Services Inc. matapos kanselahin ang kasunduan na pumapayag na gamitin ng grupo ang 353 ektarya ng lupain sa Socorro, Surigao del Norte na isang protected area.

Nauna nang sinuspinde ng Department of Environment and Natural Resources ang Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA) ng SBSI, sakop ang 353 hectares ng lupain na matatagpuan sa hilagang-silangan na bahagi ng Barangay Sering, na overlooking sa northeast portion ng Bucas Grande Island.

Ang PACBRMA ay isang legal na instrumento sa pagitan ng DENR at tenured migrant groups para paunlarin at panatilihin ang bahagi ng Protected Area sa isang 25-year period.

Ani Socorro spokesperson Edelito Sangco, ang pagbawi sa kasunduan ay magreresulta sa pagkawala ng tirahan ng libo-libong miyembro ng SBSI makaraang ibenta ng mga ito ang kanilang orihinal na tirahan para sumali sa grupo.

“If it will be enforced, magkakaroon talaga ng humanitarian crisis dito dahil walang uuwiang bahay ang halos lahat ng nandoon sa Sitio Kapihan kasi ibinenta na nila ang kanilang mga bahay. Kasi sabi ng kanilang leader na si Senior Agila na ibenta niyo na ang inyong mga ari-arian dahil magugunaw na ang mundo,” pahayag ni Sangco sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo.

Sinabi pa niya na ang SBSI ay may 3,560 miyembro o mahigit 1,000 pamilya.

Matapos ibenta ang tirahan, ibinigay ng mga miyembro ng SBSI ang 40% ng kanilang kita sa mga lider ng SBSI.

Nanawagan si Sangco sa lokal na pamahalaan at maging sa mga national at international NGO na isama ang mga miyembro ng SBSI “into the society where they once belong.”

“Sana magkaroon ng pabahay…Walang kakayahan ang LGU pero since this is a man-made calamity, hindi naman pwedeng iwasan ng LGU ang responsibilidad na ito.”

“Parang magkakaroon ng evacuation center para sa kanila, magkakaroon ng food packs ang DSWD, magkaroon ng mga tents. ‘Yun ang nakikita naming pwedeng gawin for the meantime para lang ma-accommodate sila, just in case ma-enforce talaga ‘yung sinasabing suspension ng kanilang tenurial instrument doon.”

Kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado ang SBSI sa umano’y mala-kultong kaugalian katulad ng child marriage, rape, at iba pa.

Itinanggi naman ng grupo at mga lider nito ang alegasyon.

Ayon sa DENR, sinita na nila ang SBSI noong 2019 sa alegasyon ng paglabag sa PACBRMA, kabilang ang pagbabawal sa pagpasok sa lugar, paglalagay ng checkpoints at military-like training, pagtatayo ng istruktura sa PACBRMA area, at resignation ng mga guro, uniformed personnel at barangay officials.

Sinabi ni Sangco na suportado ng lokal na pamahalaan ang desisyon ng DENR dahil ang grupo ay nagiging banta na.

Aniya, “there is wanton extraction of resources” sa lugar, nasisira na rin ang mga tubo at patuloy ang pagputol ng puno ng mga miyembro ng SBSI.

“Kapag pupunta ‘yung personnel ng Socorro Water District, sasabihin lang sa kanila harap-harapan na hindi naman sa inyo ang lupaing ito. Pag-aari naman ito ng Diyos…Threatened din ang bayan namin kasi ang source ng tubig nasa kanila. Mabuti na at i-resettle na sila for good,” aniya.

“Hindi nila ginagalang ang gobyerno kasi ang kanilang orientation may sarili silang gobyerno doon.” RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here