MANILA, Philippines – Isang lasing na lalaki ang inaresto makaraang mang-agaw ng baril ng isang pulis na nagbabantay sa sementeryo sa Barangay San Dionisio, Parañaque City madaling araw ng Miyerkules, Nobyembre 1.
Kinilala ng Parañaque City police ang suspek na si Luigi Ganuza, 21, na nahuli matapos itong mahulog sa creek.
Base sa video footage na nakalap sa Parañaque police, nauna munang nakita sa CCTV footage ang dalawang lalaking lasing nagkapikunan hanggang nauwi sa suntukan at pagkatapos ay naglakad na magkasabay ang dalawa.
Habang naglalakad si Ganuza ay patungo ito sa nakaposteng police patrol vehicle malapit sa sementeryo ng Palanyag kung saan nakapuwestong nagbabantay ang biktimang si P/Corporal Roselito Delayon at ang kanyang isa pang buddy na pulis.
Inakala ng biktima na magtatanong lamang ang suspek sa kanya ngunit mabilis na hinablot ng nito ang kanyang baril na nakasukbit sa holster hanggang sa magpambuno na ang dalawa at bumagsak sa kalsada.
Naagaw ng suspek ang service firearm ng biktima at pinaputukan pa ng suspek ang biktima na masuwerteng hindi ito tinamaan.
Makikita pang akmang papuputukan sana ng kasama ni Delayon ang suspek ngunit hindi niya ito nagawa sa takot na baka ang kapwa pa niya pulis ang tamaan ng bala.
Matapos ang pagpapaputok ay agad itong tumakbo papalayo para makatakas na bitbit ang service firearm ni Delayon.
Makaraan lamang ang ilang minuto ay agad na nadakip ang suspek dahil nahulog ito sa creek at nabawi din ang baril ng pulis.
Sa imbestigasyon ay sinabi ng suspek na hindi niya alam ang mga pangyayari dahil nakainom siya.
Nahaharap sa patung-patong na kaso si Ganuza na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Parañaque City police. James I. Catapusan