MANILA, Philippines- Mahigit 80,000 barangay health workers (BHWs) ang nawalan ng trabaho sa barangay and Sangguniang Kabataan elections kamakailan, ayon sa party list na kumakatawan sa barangay-level healthcare workers.
Isa ulat nitong Lunes, sinabi ng BHW Association Inc. na hindi nire-appoint ng mga nanalong kandidato sa ilang barangay ang BHWs dahil sa politika, na nagresulta sa pagkawala ng allowance o honorarium ng mga empleyado.
“Nagiging personal na dahil hindi kakampi ni kapitan sila po ay hindi muli itinatalaga,” pahayag ni BHW Association Region 4A President Jamil Mora.
Ani Mora, labag ang pagtanggal sa BHWs sa joint memorandum circular ng Department of Health (DOH) at ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung saan nakasaad na dapat dumaan ang kanilang non-reappointment sa due process.
Matagal na rin umanong problema ang pagtanggal sa BHWs sa bansa, at iginiit na nasasayang ang kanilang mga kakahayan at pagsasanay.
“Sa mga far-flung barangay na talagang walang wala, walang doktor, walang nurse not even a midwife…Paano na po mga barangay kung wala ‘yung experienced barangay health workers natin?” dagdag ni Mora.
Sa ilalim ng panukalang Magna Carta for BHWs, sinabi ng party list na maaaring parusahan ang elected barangay chairpersons na magpapatalsik sa BHWs dahil sa political reasons. RNT/SA