LANAO DEL SUR- SINISIKAP ngayon ng lokal na pamahalaan ng Lanao del Sur na makabalik ang mga estudyante na nagpasyang hindi na papasok pa sa Mindanao State University (MSU) dahil sa naganap na pagsabog na ikinasawi ng 11 at ikinasugat ng 50 iba pa noong Linggo.
Sa pahayag ni Lanao del Sur Gobernador Bombit Adiong, nitong Lunes, Disyembre 4 na ilang mga estudyante ang umalis sa kani-kanilang mga tahanan matapos ang insidente dahil sa takot at isang linggo rin sinuspinde ang klase sa nasabing unibersidad.
Sa ngayon, pilit na pinagsusumikpan ng lokal na pamahalaan upang hikayatin silang bumalik at pati magulang ng mga estudyante.
Aniya, iparamdam nila sa mga estudyante na stable na sa Marawi at Mindanao State University.
Dagdag pa ni Adiong na magbibigay rin ng karagdagang seguridad ang Philippine National Police at militar sa mga estudyante at residente.
“Pati po ang province, gusto naming tumulong. Yung mga estudyanteng nakauwi, mag-eextend kami ng assistance para mabigyan sila ng sasakyan pabalik dito sa MSU,” dagdag pa ng gobernador.
Sa ngayon ay itinaas rin ng PNP ang alerto sa Mindanao gayundin sa Metro Manila sa pamamagitan ng karagdagang police patrol at intelligence gathering.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, mayroon silang hindi bababa sa dalawang persons of interest base sa nakuhang CCTV footage na nag-iwan ng itim na bag sa loob ng gym at bumuo na rin ng isang espesyal na grupo para sa gagawin follow-up investigation sa agaran pagkakakilanlan at ikadarakip ng mga suspek.
Sinabi ng gobernador na wala silang impormasyon hinggil sa banta ng pambobomba, pagkatapos ng Marawi siege ay naging mapayapa na ang buong probinsya. Mary Anne Sapico