Home NATIONWIDE SC maaaring atasan mga bangko na ipaliwanag withdrawals sa account ng mga...

SC maaaring atasan mga bangko na ipaliwanag withdrawals sa account ng mga namatay

1
0

MANILA, Philippines – Nagpasya ang Korte Suprema (SC) na maaaring atasan ng mga probate court ang mga bangko na ipaliwanag ang mga withdrawal mula sa account ng namatay upang matukoy kung kabilang ang mga ito sa kanyang estate o ari-arian.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting, pinagtibay ng SC Third Division ang kautusan ng Regional Trial Court (RTC) na nag-aatas sa Union Bank of the Philippines (UnionBank) na ipaliwanag ang mga withdrawal mula sa account ng yumaong si Ignacio T. Arroyo at magsumite ng kaugnay na palitan ng email.

Sa proseso ng pag-aayos ng estate ni Arroyo, natuklasan ng mga administrator na sina Bernardina Arroyo Tantoco at Alicia Rita Arroyo na may mga perang na-withdraw mula sa kanyang mga account matapos siyang pumanaw nang hindi nalalaman ng mga tagapagmana.

Hiniling nila sa RTC na atasan ang UnionBank na ipaliwanag ang mga withdrawal at magsumite ng iba pang rekord, kabilang ang mga email sa pagitan ng mga opisyal ng bangko at isang Atty. Fe.

Pinagbigyan ito ng RTC at pinagtibay ng Court of Appeals. Kinuwestyon naman ng UnionBank ang desisyon sa SC, iginiit na lumampas sa kapangyarihan nito ang RTC bilang probate court.

Ayon sa bangko, isinagawa ang mga withdrawal batay sa survivorship agreement at ginamit, bukod sa iba pa, sa pagbabayad ng mga umiiral na obligasyon ni Arroyo. Iginiit din nitong dapat magsampa ng hiwalay na kasong sibil kung nais bawiin ang pera.

Ipinaliwanag ng SC na bagama’t limitado ang kapangyarihan ng mga probate court, maaari nilang pansamantalang tukuyin kung kabilang sa estate ng namatay ang isang ari-arian. Sa ilalim ng Rule 87 ng Rules of Court, maaari rin nilang atasan ang mga pinaghihinalaang nagtatago o kumuha ng ari-arian ng estate na sumagot sa mga tanong at magbigay ng kaukulang ulat.

Sa kasong ito, nakapangalan mismo kay Arroyo ang mga bank account. Nais lamang matukoy ng RTC kung magkano ang laman ng mga ito nang siya ay pumanaw at kung dapat isama ang pondo sa kanyang estate.

Ibinasura rin ng SC ang argumento ng UnionBank na hindi wasto ang paghahabol ng mga administrator. Ayon sa korte, tungkulin nilang tukuyin, i-account at protektahan ang mga ari-arian ng namatay para sa kapakinabangan ng mga tagapagmana at pinagkakautangan.

Binigyang-diin ng SC na ang probate court, hindi ang bangko, ang dapat magpasya kung kabilang sa estate ang pondong sakop ng survivorship agreement. Hindi dapat basta gamitin ng UnionBank ang deposito ni Arroyo upang bayaran ang umano’y mga utang nito nang hindi dumaraan sa proseso ng estate settlement.

Dagdag ng SC, dapat ihain ng mga creditor ang kanilang mga claim sa probate court sa halip na basta kunin ang ari-arian ng estate bilang pambayad sa mga hinihingi nilang utang. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here