Home NATIONWIDE Martial law ‘di kailangan sa MSU blast – Brawner

Martial law ‘di kailangan sa MSU blast – Brawner

MANILA, Philippines – Hindi na kailangan pang magdeklara ng martial law kasunod ng pagpapasabog sa Mindanao State University sa Marawi City, sinabi ni
Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Romeo Brawner Jr. nitong Martes, Disyembre 5.

Sa panayam sa telebisyon, ipinunto ni Brawner na ang security forces ay “on top of the situation” at ang lokal na terrorist group na hinihinalang nasa likod ng pambobomba ay wala nang kakayahan na magsagawa pa ng panibagong pag-atake.

“There’s no need because your security forces are on top of the situation,” ani Brawner sa panayam ng CNN Philippines.

“As I said, we believe that they will not be able to launch another attack with the magnitude of the Marawi Siege. So konting-konti na lang sila,” dagdag pa niya.

Sa kasalukuyan, biniberipika pa ng AFP ang pag-ako ng Islamic State at Dawlah Islamiyah – Maute Group na sila ang nasa likod ng pagpapasabog na kumitil sa apat katao.

Matatandaan na noong 2017, idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang martial law sa Mindanao dahil sa Marawi siege, na isinagawa rin ng Maute group.

Nitong Lunes, sinabi rin ng Philippine National Police (PNP) hindi pa sila umaabot sa punto ng pagtukoy kung kailangan ang state of emergency sa Mindanao dahil sa pag-atake.

“Wala pa po tayo sa ganiyang estado because the PNP is on top of the situation for now. Kontrolado naman po iyong sitwasyon doon,” pahayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa press conference nang tanungin kung irerekomenda ba nila ang state of emergency.

Sa ngayon, sinabi ni Fajardo na kabilang sa precautionary measures ng PNP ang pagdaragdag ng mga tauhan at police visibility sa mga lugar na posibleng targetin ng iba pang pag-atake. RNT/JGC