Manila, Philippines – Aminado ang barakong aktor na si Massimo Scofield na sa ngayon ay hindi sa showbiz ang focus niya, kundi sa mga alaga niyang manok na panabong.
Ayon sa talent ni Jojo Veloso, bata pa lang siya nang nakahiligan ang pag-aalaga ng manok.
“Grade school pa lang po ako ay mahilig na talaga ako sa manok. Lahat ng alagang manok ng tatay ko pinapakialaman ko at pinagsasabong ko kahit hindi po talaga sila yung manok na pang-sabong.
“Natutuwa po ako kapag nakakakita ako ng manok na naglalaban, eh,” nakangiting sambit pa ni Massimo.
Inusisa namin kung gaano karami ang kanyang manok?
Aniya, “Sakto lang, sapat naman po ang bilang ng mga manok ko ngayon para makalaban sa mga invitational fights.
“Sa estimate ko nasa 500 heads po lahat ng manok ko. Mas naka-focus din po kasi ako sa pagbi-breed ng manok for commercial. Kaya po ako kumukuha sa mga kilalang breeders dito sa atin tulad po nina Master breeder Lance Dela Torre, AEJ Gamefarm, Biboy Enriquez Firebird Gamefarm, LGP Gamefarm at ngayon po waiting ako sa mga imported bloodlines na paparating po.”
Mahal ba ang halaga ng bawat isang manok na panabong niya at puro ba ito panabong?
“Sa experience ko po, mahal po talaga ang manok, depende po sa breeders at bloodline.
“Halos lahat naman po sila pricey pero yung pinakamahal talaga is yung seedfowl galing kay Master Lance Dela Torre.”
Pahabol pa ni Massimo, “Opo puro panabong po. May partner din po ako na nagpo-poultry as side hustle.”
Hindi man siya aktibo sa paggawa ng pelikula, ipinahayag ng barakong Vivamax sexy actor na hindi niya iiwan ang showbiz kahit sa mga manok ang focus niya ngayon.
Esplika ng aktor, “Wala naman po akong balak mag-quit sa showbiz. Medyo na busy lang po ako ngayon sa mga seminars. Inaaral ko pa po kasing mabuti yung mundo ng sabong para po matutunan ko lahat ng angulo sa pagmamanok.
“Dahil po rito, nakakakuwentuhan ko rin po ang mga malalaking personalidad gaya po ng ating legendary breeder na si sir Joe Alimbuyuguen na walang sawa kung magbigay ng advice, hindi lang sa pagmamanok, kundi sa pagiging matapat at pagiging mabuting ehemplo sa mga baguhan sa industry, na tulad ko.”
Ang huling pelikulang nagawa ni Massimo ay ang A Glimpse of Forever by Direk JP Laxamana, pero hindi pa raw niya alam kung kailan at saan ito ipalalabas. Nonie Nicasio