Home METRO Modern minibus sinunog sa Quezon!

Modern minibus sinunog sa Quezon!

123
0

LUCENA CITY- Sinunog ng apat na armadong kalalakihan ang isang modern passenger vehicle nitong Miyerkules ng gabi sa bayan ng Catanauan sa lalawigan ng Quezon, ayon sa mga pulis nitong Huwebes.

Ayon sa Quezon police, nagpanggap ang mga suspek na mga pasahero at sumakay sa minibus na minamaneho ni Carl Bayer Villanueva na bumibiyahe sa kahabaan ng Barangay Dahican bandang alas-7:30 ng gabi.

Batay sa ulat, binuot ng mga suspek ang kanilang mga baril at sinabi sa driver, konduktor at tatlong pasahero na hindi iyong hold-up, saka pinalabas ang mga ito.

Matapos makababa ng mga pasahero, pinaliyab ng mga suspek ang sasakyan gamit ang gasera saka tumakas, batay sa mga awtoridad.

Ani Colonel Ledon Monte, Quezon police chief, nag-ugat ang insidente sa alitan ng dalawang grupo ng legal at ilegal na passenger vehicle drivers at operators.

“It’s a quarrel between jeepney cooperatives and colorum jeepneys,” pahayag ni Monte nitong Huwebes.

Pinangangasiwaan ng Gumaca Transport Service Cooperative (GTSC) ang minibus na nakabase sa bayan ng Gumaca.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga pulis upang matukoy ang mga suspek at malaman ang motibo sa likod ng insidente.

Base kay Noel Capisonda, GSTC president, matagal nang nakatatanggap ng banta ang kanilang grupo na susunugin ang kanilang sasakyan tuwing lumalabas sila sakay ng modern passenger vehicle.

Sa isang panayam nitong Huwebes, inihayag ni Capisonda na tinangka rin ng kanilang mga kaalitan na magpanggap na New People’s Army (NPA) sa pamamagitan ng pagbabanta gamit sa mga liham na logo ng communist rebels.

Subalit, binigyang-diin nila na hindi sila naniniwalang may kinalaman ang NPA. RNT/SA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here