MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Senado ang panukalang dagdagan ng ekspertong tauhan ang forensic unit ng Philippine National Police (PNP) bilang bahagi ng modernization plan ng ahensiya sa pagtugon at paglutas ng krimen.
Lumitaw ito sa naganap na deliberasyon ng Senate Bill no. 2449 o ang An Act Providing For Organizational Reforms In The Philippine National Police, Amending For The Purpose Republic Act No. 6975, Otherwise Known As The ”Department Of The Interior And Local Government Act Of 1990”, As Amended, And Republic Act No. 8551, Otherwise Known As ”Philippine National Police Reform And Reorganization Act Of 1998, nitong Miyerkoles.
Sa pahayag, sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano na mapapalakas ng amyenda ang kakayahan at kapasidad ng PNP na masusing imbestigahan ang lahat krimen sa bansa.
Nitong Miyerkoles, tinanggap ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs ang iminungkahing amendment ni cayetano sa naturang panukala na magdagdag ng eksperto sa Regional Forensic Unit-National Capital Region (NCR).
Batay sa aprubadong organizational structure at staffing pattern ng RFU-NCR Headquarters, umaabot lamang sa 20 tauhan ang kasalukuyang nakatalaga dito.
Pumasa sa ikalawang pagbasa ang naturang amendment ni Cayetano na naglalayong palawigin ang reporma sa PNP at matiyak na sapat ang bilang ng tauhan sa forensic group upang mas magampanan ang kanilang tungkulin at gawain sa pagsusuri ng pisikal na ebidensya sa anumang krimen.
Sa pangunguna ng isang police major general, inanaatasan ang forensic group na magsasagawa ng pagsusuri at pag-analisa sa lahat ng pisikal na ebidensya, na nakatuon sa medikal, kemikal, biyolohikal, at pisikal na aspeto ng kaso.
Magbibigay ng suporta ang dagdag eksperto sa modernisasyon ng crime laboratories upang mapapabilis ang imbestigasyon ng krimen sa bansa.
Ipinapakita ng amendment ang dedikasyon ni Cayetano na isulong ang larangan ng agham at suportahan ang forensic unit sa bansa sa pamamagitan ng pagtitiyak na may sapat na tauhan upang mas maging maayos na maisagawa ang imbestigasyon.
Aprubado rin ang isang amendment sa bill na nagbabago ng compulsory retirement age para sa mga uniformed personnel sa pnp mula 57 patungo sa 56 taon.
“Ang pagbabagong ito ay nagbibigay ng opsyon sa mga indibidwal sa PNP na nasa edad 56 na magretiro ng mas maaga sa serbisyo sa mas batang edad “ ani Cayetano. Ernie Reyes