TAMA lang siguro na ituloy nitong si Northern Samar Rep. Raul Daza ang pangungulit sa Commission on Audit na busisiin nito kung paano at saan ginastos ng Commission on Higher Education ang P10.3 bilyon pondo na inilaan ng Kongreso para sa matrikula at allowance ng mga maralitang mag-aaral.
Ang hangad lang naman ng mga mag-aaral ay makatapos sa pag-asang edukasyon ang susi para makaahon sa kahirapan pero tila may milagrong nagaganap sa CHEd, na pinamumunuan nitong si Chairman J. Prospero ‘Popoy’ de Vera III, kaya dapat sigurong talupan ito ng ating magigiting na mambabatas.
Sa nakalipas na dalawang taon, nasadlak sa dusa ang mga estudyanteng pinangakuan ng libreng edukasyon sa ilalim ng programang Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education oUniFAST ng CHEd.
Hindi natin batid ang nasa utak ng mga ‘mahuhusay’ sa CHEd sa pagtengga nito sa pagbabayad sa mga kolehiyo at pamantasan kung saan nag-aaral ang libo-libong ‘Iskolar ng Bayan.’
Katunayan, pumalo na sa P2.1 bilyon ang utang ng CHEd sa mga pribadong kolehiyo at pamantasan mula 2021 hanggang 2023, ayon sa source.
Pero teka hindi ba’t may P10.3-bilyon nakalaan sa ahensya para tustusan ang matrikula at allowance ng mga pobreng mag-aaral na kumukuha ng iba’t-ibang kurso sa mga state universities and colleges at mga pribadong pamantasan?
Ang nakapagtataka, iginiit ni de Vera sa isang pagdinig ng Kamara na walang pondo ang kanyang tanggapan para bayaran ang bilyon-bilyong matrikula ng mga estudyanteng benepisyaryo ng UniFAST.
Sakaling totoo ang sinabi nito sa Kamara, hindi malayong patigilin na sa pag-aaral ng mga pribadong pamantasan ang iskolar ng UniFAST.
Pero sa ganang atin, hindi basta-basta bibitawan ng mga pribadong kolehiyo at pamantasan ang kanilang mga iskolar ng bayan dahil tiyak umaasa pa rin sila na tutugon ang CHEd sa responsabilidad nito.
Malaking pera ng taumbayan ang nakasalalay rito at tama lang sigurong suriin ng COA ang bagay na ito dahil tanging ang huli lang ang makapagbibigay-linaw para sa publiko.
Ang wika nga ng ating pambansang bayaning si Gat Jose Rizal, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.”
Pero sa nangyayari sa kasalukuyan, tila malabo na ‘yan lalo pa’t tila tinalikuran na ng pamahalaan ang pagtataguyod ng edukasyon sa hanay ng mga kabataan.






