Home OPINION ISANG DAAN

ISANG DAAN

DATING DAAN, tamang daan, at ngayon ay ‘isang daan’. Ang huli ay ‘di talagang daan o kalsada, kundi halaga ng itataas sa sahod para sa ating mga manggagawa sa pribadong sektor.

Ito ay mula sa Senado na naaprubahan na sa ikatlong pagbasa o ‘third and final reading’, ang Senate Bill 2534, na nagtatakda ng P100 dagdag sa daily minimum wage, muli, para sa pribadong sektor.

Maganda naman ang panukala, lalo na kung matutuloy talaga. Maiibsan nang konti ang paghihirap ng mga manggagawa sa pribadong sektor. Pero paano ang iba?

Sa mga pagdinig para maipasa ang panukalang ito, lumabas ang ibang hinaing. Kaya may panawagan din ang mga manggagawa na palakasin ang mga samahan o “unyon”, ‘ika nga. Bakit?

Siyempre, papalag ang mga nagmamay-ari ng mga kompanya, ng mga negosyo at maaaring magdahilan ang mga ito na para makasunod sa batas ng pagdadagdag ng sahod, sila ay magbabawas ng mga kawani.

Mahehetot ang ilan nating kababayan kapag nagkaganoon. Mawawalan ng trabaho. Tataas ang tyansa na darami ang magiging casual na lamang. ‘Yun bang ‘di ka regular na manggagawa upang ‘di ka maisama sa mga may mataas na sahod. So, papaano na?

Unyon, na lamang ang pag-asa, kasi may karapatan itong makipagnegosasyon sa mga may-ari o mga employer at ito ay sa pamamagitan ng ‘collective bargaining’ na tinatawag.

Mahalagang malaman ng bawat manggagawa ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng Labor Code upang mapigilan ang mga kinagawian ng mga employer tuwing may ganitong pagtaas sa sahod galing sa mga panukala ng magigiting nating mga mambabatas.

Malaking usapin ang pagtataas ng pasahod sa mga manggagawa. Kailangan ang mahaba-habang diskusyon kasama ang lahat na maaapektuhan.

Kailangan maipaliwanag ito nang mabuti sa mga may-ari o mga employer, nang sa ganoon ay ‘di makadiskarte ang mga ito sa pag-iwas sa pagsunod sa batas.

Hindi rin dapat maging resulta nang pagtaas ng mga presyo ng bilihin ang pag-taas ng sahod ng mga manggagawa kasi nga, mababalewala ang dahilan sa pagtaas ng sahod.

Samahan natin ng panalangin na kung magtutuloy ang pagbibigay ng taas pasahod, mapakikinabangan ito ng lahat at ‘di magiging dahilan sa pagtaas muli ng presyo ng mga bilihin dahil lamang sa ‘isang daan.’

Previous articleQUIBOLOY, WANTED SA PINAS AT SA IBANG BANSA
Next articlePONDO NG CHED SA MARALITANG MAG-AARAL, NAWAWALA?