KAHIT sinong kumakaliskis sa kung saan patutungo ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, lumilitaw na nakaangkla ito sa halalang 2028.
‘Yun bang === malamang umanong magdedesisyon ang mga senator-judge sa pansarili o pampulitika nilang interes kaugnay ng nasabing halalan.
Lalo na ang mga gustong mare-elect bilang mga senador o kaya’y ang mga senador na may lantarang ikakandidatong iba na kapatid o kamag-anak o kaya’y kakandidato sa mas mataas na posisyon.
Nakataya umano ang kanilang ngalan at mukha sa kampanyahan at maaari nilang ikababagsak o ikatatagumpay o ng kanilang kandidato sa 2028.
EBIDENSYA BALEWALA, PULITIKA MAS MAHALAGA
Habang nakatali sa ebidensya ang karamihan sa mga lumalahok sa impeachment, lalo na ang prosecution at defense lawyers, para manalo sa kasong impeachment, binabalewala ang mga ebidensya ng mga tagakaliskis.
Kitang-kita rin ang pagbabale-wala sa ebidensya bilang batayan sa paghuhusga sa kilos ng nakararaming senator-judge na ibaba ang voting threshold o minimum na boto para ma-convict si VP Sara at masibak sa pwesto at kalauna’y mademanda at makulong.
Binalewala ng mayorya ng senator-judge ang 16 na threshold batay sa Article 11, Section 3(6) ng Konstitusyong 1987 na nagsasabing kailangang 2/3 ng lahat ng senador para madeklarang nagkasala ang isang impeachable official.
Ginawa nilang 14 lamang at nakabatay sa mga aktuwal umanong sumasali sa mga pagdinig.
Sa demandahan, may nakabinbin nang kaso laban sa kanya, ang grave threats na isa sa article of impeachment at may mga pagkilos na kakasuhan din siya ng plunder batay sa maling paggastos ng confidential funds.
Kung makalusot man sa impeachment si VP Sara, mas matindi ang kasong plunder na kanyang ikakukulong at ikasususpinde dahil sa kawalan umano nito ng “immunity from suit” gaya ng Pangulo.
At ang malinaw, nasa likod ng mga senator-judge na mayorya ang mga nagsusulong ng impeachment mula sa Kamara hanggang Palasyo, kahit todo-deny ang mga ito.
Naglalaro ang kambal na ligal at pulitikal na batayan ng pagpapasya.
Pero higit na pampulitika at personal na interes ang namamayani kaysa ligal na ebidensya ang batayan sa paghuhukom.
Nagmumukhang sarsuela lang tuloy ang lahat sa pagdinig sa impeachment at kung may pagkaseryoso man dito, walang iba kundi ang layuning siraan higit sa lahat si VP Sara.
At nakita ito sa pag-atras ng prosekusyon ng tatlong Articles of Impeachment na ilang taon nang doon inilulublob sa pusali ang dangal at kredibilidad ni VP Sara.
Ang masama pa, itinodo ng prosekusyon ang paninira sa dalawang kaso saka umatras at sinabing walang karapatang ipagtanggol ni VP Sara ang sarili dahil naiatras na ang dalawang kasong nilitis.
SUPREME COURT DECISION NASAAN NA?
Sa kalagayang walang nakatitiyak kung madedeklarang guilty si VP Sara sa problema sa voting threshold o minimum na boto, napakahalaga ang pagdedesisyon ng Supreme Court sa petisyon nina Senator Bong Go at Robin Padilla at iba pa na panatilihin ang 16 boto para sa conviction at hindi 14.
Sana, makapaglabas ang Supreme Court ng desisyon bago ang magsagawa ng botohan ang Senate impeachment court anomang araw mula ngayon.
Maalaala sana ng mga Hukom ang sarili nilang prinsipyo na “Justice delayed is justice denied!”






