MANILA, Philippines- Ibinasura ng Supreme Court ang petisyon na humihiling na atasan ang Commission on Elections na magpalabas ng implementing rules and regulation (IRRs) at magsagawa ng public consultation hinggil sa mapipiling election system na gagamitin sa national at local elections.
Ayon sa SC En Banc, nabigo ang petisyon na magsaad ng katibayan na walang IRRs para sa isasagawang automated elections sa ilalim ny Republic Act No. 9369 o Election Automation Law of 2007.
Pinuna rin ng SC ang mga kamalian sa proseso ng paghahain gaya ng hindi pagsusumite ng proof of service, kawalan ng verification and certification against forum shopping, at kawalan ng competent evidence hinggil sa pagkakakilanlan ng deklarante sa affidavit of service.
“Accordingly, the instant Petition for Mandamus is dismissed and the prayer for temporary restraining order and/or any injunctive relief is denied.”
Kabilang sa mga naghain ng petisyon ang Kilusan ng Mamamayan Para sa Matuwid na Bayan (KMMB); KMMB’s member organizations Capitol Christian Leadership, Buklod Pamilya Incorporated, KMP Koalisyong Pangkaunlaran ng Mamamayan, KNK Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo; Jose Lagunsad Gonzales, Vicente Alejo Macatangay Jr., Sharon Faith Samaco Paquiz, Nelson Java Celis, Melchor Gruela Magdamo, Rodrigo G. Cornejo, at Melanio Lazo Mauricio, Jr.
Hiniling ng mga petitioner sa SC na ipag-utos sa Comelec na magpalabas ng IRRs at magsagawa ng public consultations sa tamang pagpapatupad ng kahit 15 mandatory minimum functional system capabilities para sa Automated Election System (AES). Teresa Tavares