CAVITE – MAHIGIT P5.4 bilyon halaga ng illicit tobacco ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) makaraang magsagawa ng malawakang operasyon laban sa mga iligal na sigarilyo sa Indang at Dasmariñas, Cavite.
Sa isang pahayag nitong Lunes, Abril 8, sinabi ng BIR na ang raid noong Marso 21 ay humantong sa pagkakadiskubre ng mga master case ng sigarilyo, makina, sako ng hilaw na tabako, at pekeng internal revenue stamps sa tatlong warehouse sa Cavite.
“We advise everyone to register their cigarette operations with the BIR and to pay proper excise taxes on those products. The BIR aims to protect legitimate businesses so if you register and pay your proper taxes, your businesses will be compliant. We want a level playing field so we protect registered businesses and raid illicit trade,” ani BIR Commissioner Romeo D. Lumagui Jr.
Sinabi ng BIR na mahaharap sa kasong kriminal ang mga indibidwal sa likod ng tatlong warehouse sa Cavite dahil sa paglabag sa paghahain ng return at pagbabayad ng excise tax sa domestic products, pagbabayad ng excise tax sa domestic products, at unlawful possession o pagtanggal ng mga articles subject to excise tax nang walang pagbabayad ng buwis, bukod sa iba pa.
“Hindi aatras ang BIR kahit malalaking warehouse o pabrika ng ilegal na sigarilyo pa ang kailangan namin pasukin. Itong na raid namin sa Cavite ay isa sa pinakamalaking raid ng ilegal na sigarilyo sa kasaysayan ng BIR,” ayon pa kay Lumagui.
Nabatid na ngayong buwan, ang ahensya ay naglalayong mangolekta ng P405.94 bilyon na kita mula sa mga buwis na netong kita, income, at value-added tax.
Batay sa pinakahuling datos, sa ngayon ay nakakolekta na ang BIR ng mahigit P446 bilyon sa unang dalawang buwan, mas mataas ng 22.58 porsiyento kumpara sa P364.2 bilyon sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Para sa taong ito, layunin ng BIR na makakolekta ng P3.5 trilyon na kita king saan bahagi ito sa kabuuang P4.3 trilyon na target na kita ng administrasyong Marcos. Jay Reyes