MANILA, Philippines- Ikinatuwa ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang pagkansela ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa land use agreement ng Socoro Bayanihan Services Inc., na nasangkot sa ilang krimen ng lider at miyembro nito.
Naunang inimbestigahan ng Senate committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang ilang pang-aabuso sa kababaihan at ilegal na aktibidad ng naturang kulto sa protected area sa Surigao del Norte.
Sa pagdinig, kinasuhan ng contempt ng komite sa pamumuno ni Hontiveros, si Jey Rence Quilario o mas kilala bilang Senior Agila, matapos itanggi ang child marriages sa loob ng kulto nito sa Sitio Kapihan, isang bulubunduking bahagi ng bayan ng Socorro.
Inimbestigahan ng komite ang nakaaalarmang sumbong sa panggagahasa, abusong sekswal, forced labor at forced marriages ng menor-de-edad.
Sa committee report matapos ang ilang serye ng pagdinig, inirekomenda ng komite ang pagkansela ng kasunduan ng DENR at SBSI at tiyakin na magkaroon ng maayos na reintegration at rehabilitation plan para sa komunidad.
“Dapat magtulong-tulong ang ating mga ahensya, kasama ang lokal na pamahalaan ng Socorro at Surigao del Norte, para mapangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan ng Kapihan. Mga biktima din sila ng kahirapan na napilitang kumapit sa mga pangako’t panloloko ni Senior Agila,” giit ni Hontiveros.
Nitong Lunes, ipinahayag ng DENR na kinansela ang kasunduan sa SBSI sa pamamahala ng protected area sa naturang lalawigan at ililipat ang lahat ng settlers sa lugar sa angkop na paninirahan sa labas ng bundok.
“Tulad ng ipinahayag ko sa aming mga hearing, dapat magkaisa ang Estado para matiyak na ang bawat miyembro ng Kapihan ay makapamuhay ng may dangal at dignidad,” ayon kay Hontiveos.
“Nais ko ring ipanawagan sa mga taga-Kapihan na mag-cooperate sa awtoridad sa prosesong ito. We only wish for them to live in safety, freedom, and genuine peace,” giit pa ng senadora. Ernie Reyes