SA halip na nitong April 15, 2024 ay sa May 2, 2024 na sisimulan ang pagpapatupad ng bagong pasok sa trabaho na simula alas-siyete ng umaga hanggang ika-apat ng hapon ng mga kawani ng labingpitong lungsod at bayan na bumubuo sa National Capital Region. Pangunahing layunin nito na makabawas sa kalbaryo sa matinding trapiko na nararanasan kapag rush hour.
Ayon kina MMDA o Metropolitan Manila Development Authority chairperson Romando Artes at San Juan City Mayor Francis Zamora na siya ring MMC president, ang postponement ay para mas mabigyang-pagkakataon sa information drive ang bawat LGU sa kanilang mga empleyado at hindi dahil sa ikinasang dalawang araw na nationwide transport strike ng mga grupong PISTON at MANIBELA bilang pagtutol sa pagtanggi ng pamahalaan na magkaroon ng karagdagang ekstensyon kaugnay sa transport modernization program.
Sa pag-aaral ng MMDA at ng MMC, nasa 22% ng 645,000 na empleyado ng mga LGU ang mayroon lamang sasakyan at nasa kalahating milyon ang sumasakay ng pampublikong transportasyon. Magkakaroon pa rin ng kaluwagan sa rush hour.
Dagdag naman ni Mayor Zamora, pinag-aaralan nila ang pagpapatupad ng flexible working hours depende sa pagtingin ng LGU. Pero tiniyak niyang hindi saklaw nito ang frontline services ng pamahalaan.
Para naman sa national agencies na nasa Metro Manila, ayon kay Artes ay pinapag-submit na sila ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ng alternative work arrangement proposal na pasok sa 7:00 am to 4:00 pm schedule.
Paglilinaw pa ng MMDA, mananatili ang implementasyon ng number coding scheme na mula alas-siyete hanggang ika-sampu ng umaga, at alas-singko ng hapon hanggang ika-walo ng gabi, Lunes hanggang Biyernes maliban kung natapat sa regular holiday.
Sasabayan din ito ng paghihigpit sa mga e-bike, e-trike, light electric vehicles, tricycles, pedicabs, push carts at kuliglig na dumaraan sa national roads.
Sasabayan din ito ng paghihigpit sa mga e-bike, e-trike, light electric vehicles, tricycles, pedicabs, push carts at kuliglig na dumaraan sa national roads.






