MANILA, Philippines – Nagpapatupad na ang Department of Finance (DOF) ng flexible work arrangements sa hakbang na bawasan ang traffic congestion maging ang konsumo sa kuryente at tubig.
Sa ilalim ng Department Order 044.2024, pumayag ang DOF sa kombinasyon ng flexitime, skeleton workforce, at work-from-home setups upang masiguro ang patuloy na serbisyo sa publiko.
Sa pamamagitan ng flexitime setup, ang mga empleyado ay may pagkakataon na mamili ng oras sa pasok sa trabaho. Ito ay maaaring 7 a.m. hanggang 9 a.m. at maaaring tapusin ang trabaho mula 4 p.m. hanggang 6 p.m. matapos makumpleto ang walong oras na trabaho mula Lunes hanggang Biyernes.
Sinabi rin na ang mga empleyadong papasok na lampas na sa alas-9 ng umaga ay maikokonsiderang late, at ang mga magtatapos sa kanilang shift bago makumpleto ang walong oras ay maikokonsiderang undertime.
Aalamin ng DOF services, offices, divisions, at unit heads ang mga empleyado na magtatrabaho sa work from home setup sa mga tinukoy na araw, na hanggang dalawang magkasunod na araw, basta’t ang mga kukuha ng naturang setup ay hindi lalampas sa 50% ng personnel headcount at inaprubahan ng undersecretary o ng group head.
Ang work from home option ay available sa loob ng apat na araw kada buwan, o once a week, maliban sa Martes para sa lahat ng opisyal at mga empleyado, at Huwebes para sa lahat ng mga opisyal lamang.
“All DOF officials and employees shall make themselves reachable/accessible via mobile phone, email, and other ICT channels within working hours. The immediate supervisor may recommend the marking of ‘absent’ if the concerned employee is inaccessible or unresponsive,” saad sa Department Order. RNT/JGC