Home NATIONWIDE Desisyon ng SC vs red-tagging dapat iendorso ni PBBM – Human Rights...

Desisyon ng SC vs red-tagging dapat iendorso ni PBBM – Human Rights Watch

MANILA, Philippines – Dapat ay iendorso ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko ang ruling ng Korte Suprema na nagsasabing ang red-tagging ay banta sa buhay, kalayaan, at seguridad ng isang tao, sinabi ng Human Rights Watch (HRW) nitong Huwebes, Mayo 9.

Sa pahayag, sinabi ng HRW na dapat ay maglatag si Marcos ng mga hakbang para wakasan na ang red-tagging, at ang pagbuwag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, kasabay ng pagdidisiplina at pagpaparusa sa mga opisyal na sangkot sa mga ganitong gawain.

“The Marcos administration should abandon red-tagging, including eliminating the abusive task force promoting the practice,” pahayag ni HRW Asia researcher Carlos Conde.

“Foreign governments that have spoken out on this issue should press the government to put the Supreme Court ruling into effect,” dagdag ni Conde.

Wala pang tugon ang Malakanyang sa pahayag ng HRW.

Sa ruling, nagbigay ang SC ng writ of amparo pabor kay dating Bayan Muna lawmaker Siegfred Deduro, na nagsabing siya ay na-tag ng mga awtoridad bilang ranking member ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Aniya, ang pag-uugnay sa kanya sa mga komunista o terorista ay nagsisilbing “a target of vigilantes, paramilitary groups, or even state agents.”

“The Supreme Court’s important ruling affirms that red-tagging is a dangerous form of harassment that violates people’s rights. This decision acknowledges the suffering of countless victims of this government policy,” ani Conde.

Ayon sa HRW, ginagamit ng pamahalaan ang red-tagging bilang hakbang laban sa communist insurgency.

Kabilang sa mga tinatarget na indibidwal ay ang mga lider at miyembro ng leftist activist groups at human rights organizations, maging ang religious, indigenous, at environmental groups.

Anang grupo, tumindi pa ang red-tagging matapos na likhain ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang NTF-ELCAC sa ilalim ng Executive Order 70 noong 2018. RNT/JGC