Home HOME BANNER STORY Duque dumepensa sa graft case

Duque dumepensa sa graft case

144
0

MANILA, Philippines- Nakatakdang maghain si dating health secretary Francisco Duque III ng motion for reconsideration hinggil sa kautusan ng Ombudsman na magsampa ng graft charges laban sa kanya at kay dating budget undersecretary Christopher Lao dahil sa umano’y ilegal na paglilipat ng mahigit P41 bilyon para sa pagbili ng COVID-19 supplies.

“The immediate step is to file our motion for reconsideration. Probably Monday or Tuesday,” pahayag ni Duque sa isang panayam nitong Sabado.

Sinabi ni Duque, namuno sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), ginamit niya at ng iba pang opisyal ang “whole of government approach” upang tugunan ang COVID-19 pandemic.

“Bilang Secretary of Health, hindi naman puwede na ‘yung panahon ko, gagamitin ko sa paghahanap ng local suppliers. Ang nai-report sa akin ng mga tao ko, talagang wala. Wala makakapagbigay ng ganoon volumes [ng personal protective equipment, or PPEs],” pahayag ni Duque.

“‘Yung whole of government approach, ipinasa natin sa PS-DBM,” dagdag niya, tinutukoy ang Procurement Service-Department of Budget and Mangement na pinamunuan ni Lao.

Binanggit ni Duque ang Republic Act 9184, ang Bayanihan Law 1 at 2, ang General Appropriations Act, at Executive Order 359 na nag-aatas sa PS-DBM na bumili ng common-use supplies and equipment (CSE) para sa national government agencies.

“Meron kaming agency procurement request, properly receipted ang mga pondo na ibinababa… ng DOH to PS-DBM, at saka mga allocation list. Kumpleto ‘yan. Tapos ‘yung constant coordination meeting ng PS-DBM at saka ng DOH. So, lahat may legal basis ang pag-transfer ng funds,” giit niya.

“Hindi naman puwedeng ang healthcare workers, kapag pinabayaan mo ‘yan, mag-aantay tayo ng local supplier, eh lalong maraming mamamatay. Hindi natin kakayanin ‘yon. Magko-collapse ang healthcare system ng Pilipinas,” patuloy ni Duque.

Sa 49-pahinang resolusyon na may petsang Mayo 6 at inilabas noong Biyernes, sinabi ng Ombudsman na labag sa batas ang paglipat ng DOH ng P41 bilyon sa PS-DBM.

Sinabi nitong pinayagan lamang ang PS-DBM na bumili ng CSE, kategoryang hindi pasok sa COVID-19 pandemic supplies na nabili gamit ang P41 bilyong alokasyon.

Binaggit ng Ombudsman ang 2020 General Appropriations Act na tumukoy sa CSE na kinabibilangan ng Electronic Catalogue ng PS-DBM at mga regular na inia-update upang isama lahat ng karaniwang binibili ng ahensya ng pamahalaan.

Ayon sa Ombudsman, ang desisyon ng DOH na ilipat ang P41 bilyong pondo sa unit ni Lao para bumili ng COVID-19 supplies, ay hindi nagpabilis sa procurement process ng kinakailangang items.

Sa hiwalay na desisyon sa administrative complaint laban sa kanila, sinabi rin ng Ombudsman na natukoy na guilty sina Duque at Lao sa grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the service.

Ayon sa Ombudsman, ang kanilang aksyon “caused the DOH to abandon, in times of health emergency, its bolden duty to expeditiously acquire the needed COVID-10 goods through direct negotiation with the suppliers.”

Binanggit din nito na ang paglilipat ng pondo “caused the consequent imposition of service fee” na maaari sanang nagastos para sa iba pang medical needs.

Iginiit ni Duque na isasama sa kanyang apela ang desisyon ng Ombudsman sa administrative case.

Sa parehong desisyon, ibinasura ng Ombudsman ang criminal at administrative complaints kaugnay ng parehong impormasyon laban kina Ma. Carolina V. Taiño, Myrna C. Cabotaje, Roger Tong-an. Leopoldo Vega, Napoleon Arevalo, Enrique Tayag, Filpina Velasquez, Lorica Rabago, at Crispinita Valdez. RNT/SA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here