Home NATIONWIDE Desisyon ng Ombudsman vs Duque sa COVID supply deals nirerespeto ng DOH...

Desisyon ng Ombudsman vs Duque sa COVID supply deals nirerespeto ng DOH – spox

MANILA, Philippines- Inihayag ng Department of Health na nirerespeto nito ang desisyon ng Office of the Ombudsman na maghain ng graft charges laban kay dating Secretary Francisco Duque III dahil sa umano’y irregular transfer ng mahigit P41 bilyon para sa COVID-19 supplies procurement noong 2020. 

“The DOH respects all legal proceedings and will act accordingly,” pahayag ni DOH spokesperson Albert Domingo nitong Sabado.

Inirekomenda rin ang graft charges laban kay dating Department of Budget and Management Undersecretary Christopher Lao kaugnay ng umano’y maanomalyang pandemic deals. 

Tinukoy din ng Ombudsman sina Duque at Lao na guilty sa grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the service.

Samantala, ikinatuwa ni Senator Risa Hontiveros ang desisyon ng Ombudsman tatlong taon mula nang magsagawa ang Blue Ribbon Committee ng marathon hearings sa umano’y maanomalyang medical supplies procurement ng administrasyong Duterte.

“I would like to thank the Ombudsman for faithfully fulfilling its mandate to seek justice, especially in cases involving misappropriation of public funds and anomalies in procurement,” pahayag ni Hontiveros.

“Ito ay para sa mga mamamayang naghirap at nagkasya lang sa limitadong ayuda noong pandemya, lalo’t higit sa mga healthcare workers na nagtiis sa delayed na special allowance at hazard pay habang nagkakamal ng bilyung-bilyong piso ang mga pinaborang kompanya gaya ng Pharmally,” dagdag ng senador.

Nagmula ang imbestigasyon ng Ombudsman kina Duque at Lao sa reklamong inihain ni Hontiveros at ni dating Senator Richard  Gordon, at sa Commission on Audit report noong 2020. 

“The illegal, unjustified, and unwarranted transfer of funds caused the consequent imposition of service fees that effectively removed a sizeable amount of money intended for the purchase of PPEs, test kits, and other COVID-essential goods requested by medical facilities and DOH offices and bureaus,” saad sa 49-pahinang resolusyon ng Ombudsman na may petsang Mayo 6 subalit inilabas lamang noong Biyernes. RNT/SA