Home TOP STORIES Paglalakbay ni Pope Leo sa South America, tuloy sa kabila ng operasyon

Paglalakbay ni Pope Leo sa South America, tuloy sa kabila ng operasyon

1
0

VATICAN CITY – Tiniyak ng Vatican nitong Lunes na matutuloy ayon sa plano ang pagbisita ni Pope Leo XIV sa South America sa Nobyembre, halos dalawang linggo matapos siyang operahan dahil sa kanser sa baga.

Sa pahayag ng Vatican, nakatakda ang Apostolic Journey ng Santo Papa sa Uruguay, Argentina at Peru mula Nobyembre 6 hanggang 17, 2026.

Sumailalim sa matagumpay na operasyon ang 71-anyos na papa noong Oktubre 13 sa Gemelli Hospital sa Rome upang alisin ang cancerous tumor sa ibabang bahagi ng kanyang kanang baga. Pinalabas siya sa ospital noong Oktubre 17.

Ayon sa kanyang surgeon na si Stefano Margaritora, nasa “absolutely satisfactory clinical condition” ang Santo Papa matapos ang operasyon.

Bagama’t sinabi ng doktor na walang klinikal na dahilan upang hindi ituloy ang biyahe, may ilang nagmamasid sa Vatican na nag-isip na maaaring baguhin ang iskedyul nito.

Noong Biyernes, inanunsyo ng Vatican na kanselado ang nakatakdang pagbisita ng papa sa Assisi sa Oktubre 27, alinsunod sa rekomendasyon ng kanyang mga doktor.

Ayon sa Vatican, sabik na sabik si Leo sa kanyang pagbisita sa South America.

“I am looking forward to returning to the continent where I’ve experienced so many moments of my life,” ani ng Santo Papa, na gumugol ng dalawang dekada bilang misyonero sa Peru.

Noong Miyerkules, sinabi ng Vatican na hindi na kailangan ng karagdagang paggamot ang papa dahil ipinakita ng mga pagsusuri na “localized” ang kanser.

Unti-unti na ring ipinagpapatuloy ni Leo ang kanyang mga gawain habang inaangkop ang araw-araw na iskedyul sa payo ng mga doktor upang matiyak ang kanyang paggaling.

Ayon sa Vatican, patuloy na binibigyang-pansin ng Santo Papa ang kanyang kalagayan at naglalaan ng sapat na oras para magpahinga. Nagpasalamat din siya sa mga panalangin at pagmamahal na natanggap niya mula sa iba’t ibang panig ng mundo. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here