Home NATIONWIDE AFP, bumubuo ng sariling cloud storage para sa sensitibong datos ng militar

AFP, bumubuo ng sariling cloud storage para sa sensitibong datos ng militar

1
0

MANILA, Philippines – Bumubuo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng sarili nitong cloud storage system para maprotektahan ang sensitibong datos ng militar habang ipinagpapatuloy ang modernisasyon ng mga information system nito at paghahanda sa paggamit ng mga bagong teknolohiya.

Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, makatutulong ang proyekto upang masiguro ang seguridad ng mga impormasyong ginagamit sa operasyon ng militar.

“We’re dealing with sensitive data and information that is useful for the AFP. Thus, there is a need for us to set up our own cloud,” ani Padilla sa Kapihan sa Manila Prince Hotel forum nitong Miyerkules.

Sinabi ni Padilla na dati nang sinusunod ng AFP ang cloud-first policy, ngunit nagbago ang pamamaraan nito at nagpasyang magtayo ng sariling secure system.

Kabilang sa proyekto ang on-premise cloud at mirror server sa isang hiwalay na lokasyon upang matiyak na ligtas ang pagkakaimbak ng mga datos ng militar.

Ipinaliwanag ni Padilla na saklaw nito ang hardware, software, data, network, mga mamamahala sa sistema at mga hakbang sa cybersecurity.

Bahagi ito ng modernisasyon ng AFP sa gitna ng patuloy na paggamit ng mas maraming sistema at mga bagong teknolohiya.

Hindi naman nagbigay si Padilla ng detalye tungkol sa halaga at iskedyul ng proyekto.

Samantala, sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na bukod sa $2-bilyong financing package at hiwalay na $400-milyong grant assistance mula sa Estados Unidos, makatatanggap din ang Pilipinas ng karagdagang $50 milyon hanggang $60 milyon para sa nagpapatuloy na Super Intelligence Program ng Department of National Defense at AFP.

Ayon kay Teodoro, ganap na popondohan ang programa at ang AFP Cloud.

Ang terminong “Super Intelligence” ang ginagamit ng gobyerno ng US para tukuyin ang artificial intelligence. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here