MANILA, Philippines – Pinayagan ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng mga produktong baboy mula sa mga lugar sa United Kingdom (UK) na walang kaso ng African swine fever (ASF).
Sa ilalim ng Department Circular No. 58, sinabi ng Bureau of Animal Industry (BAI) na nagpapatupad ang UK ng mahigpit na hakbang laban sa ASF sa ilang lugar nito.
“It was determined that the United Kingdom maintains effective veterinary oversight and has implemented appropriate control and risk-mitigating measures, thereby ensuring a low risk of ASF transmission through the importation of live swine, pork, and pork products from its designated zones,” ayon sa dokumento.
Saklaw ng circular ang pag-aangkat ng mga buhay na baboy at kanilang mga produkto, kabilang ang karne ng baboy at genetic materials, mula sa UK.
Noong Agosto, inalis din ng DA ang pansamantalang pagbabawal sa pag-aangkat ng mga de-latang produktong baboy na gawa sa pabrika, hermetically sealed at dumaan sa heat treatment dahil sa banta ng ASF.
Nilinaw ng DA na tanging mga produktong baboy na dumaan sa heat treatment, nakalagay sa hermetically sealed containers, gawa sa pabrika at de-lata, at may balidong rehistro sa Pilipinas ang maaaring iangkat. RNT/MDS