MANILA, Philippines – Naglabas ng show cause order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa operator ng isang InDrive partner na nasangkot sa viral video ng pagtatalo sa mga pasahero dahil sa dagdag-singil sa tollway.
Ayon kay LTFRB Acting Chairperson Greg Pua, inatasan ang operator na magpaliwanag sa sulat kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang awtoridad nitong mag-operate bilang transport network company (TNC).
Nakatakda ang pagdinig sa Disyembre 9.
Nag-ugat ang kaso sa kumalat na video kung saan siningil umano ng driver ng transport network vehicle service (TNVS) ng karagdagang P39 ang mga pasahero sa paggamit ng expressway nang hindi muna ipinapaalam sa kanila o hinihingi ang kanilang pahintulot.
Lumala ang pagtatalo nang umano’y sabihan ng driver ang mga pasahero na bumaba sa sasakyan. Iginiit naman ng mga ito na sa himpilan ng pulisya na lamang ayusin ang usapin.
Pinaalalahanan ni Pua ang mga taxi at ride-hailing driver na ipaalam muna sa mga pasahero at kunin ang kanilang pagsang-ayon bago gumawa ng desisyong magdudulot ng dagdag na bayarin, gaya ng paggamit ng expressway.
“We understand the concerns being raised by some taxi drivers and TNVS partners on this particular issue, but unless they are willing to shoulder the additional cost, they must always inform their passengers and seek their approval first before entering expressways,” ani Pua.
Dagdag niya, kailangang pag-usapan muna ang toll fee, lalo na kung ipapasa sa pasahero ang gastos.
Hinimok din niya ang mga operator ng public utility vehicles (PUV), partikular ang mga taxi at TNC, na paalalahanan ang kanilang mga driver tungkol sa mga patakaran ng LTFRB upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
“This is not only about the LTFRB rule on the use of expressways for PUVs, this is also a matter of respecting the passengers,” dagdag ni Pua.
Nauna nang sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon na dapat bigyan ang mga pasahero ng pagpipilian kung gagamit ng toll road o alternatibong ruta.
Binigyang-diin niya na may karapatan ang mga pasahero na tanggapin o tanggihan ang dagdag-singil at hindi dapat magpasya ang mga driver para sa kanila o humingi lamang ng pahintulot matapos dumaan sa toll road. RNT/MDS