MANILA, Philippines – Pansamantalang sinuspinde ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng mga produktong manok at baboy mula sa tatlong bansa sa Europe dahil sa banta ng iba’t ibang sakit ng hayop.
Sa ilalim ng Department Circular No. 57, ipinagbawal muna ng DA ang pag-aangkat ng mga domestic at wild bird, kabilang ang kanilang mga produkto, mula Denmark dahil sa outbreak ng H5N1 High Pathogenicity Avian Influenza sa Bøgelunde, Slagelse.
Saklaw ng pagbabawal ang pag-aangkat ng poultry meat, day-old chicks, itlog at semen.
Samantala, sa ilalim ng Department Circular Nos. 59 at 60, pansamantala ring ipinagbawal ang pag-aangkat ng mga domestic at wild pig, gayundin ang kanilang mga produkto, mula Finland at Estonia dahil sa mga outbreak ng African swine fever (ASF).
Saklaw ng mga circular ang pag-aangkat ng karne at balat ng baboy, gayundin ang semen.
Iniutos din ng DA ang agarang paghinto sa pagproseso at pagsusuri ng mga aplikasyon, gayundin sa pag-isyu ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) para sa mga produktong saklaw ng pagbabawal.
Awtomatiko ring binawi ang lahat ng naaprubahang SPSIC para sa mga live domestic at wild bird at pig mula sa mga nasabing bansa. RNT/MDS