MANILA, Philippines- Patay ang isang indibidwal habang lima pa ang sugatan matapos mahulog ang sasakyan sa isang tulay sa bayan ng Ragay sa Camarines Sur nitong Linggo ng umaga.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente ng ala-1:30 ng madaling araw sa Barangay Apad, Ragay, Camarines Sur sa kasagsagan ng malakas na ulan.
Batay sa imbestigasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, naglalakbay ang sasakyan mula Manila patungong Naga City, Camarines Sur nang mahulog ang kotse sa tulay.
Ayon pa sa mga saksi, hindi gaanong mataas ang tulay, subalit mataas ang lebel ng tubig noong maganap ang insidente.
Kinilala ang nasawi bilang driver ng nasabing sasakyan. Lima pang indibidwal, kabilang ang isang bata ang isinugod sa ospital at kasalukuyang ginagamot.
Nagsasagawa na ang Ragat Municipal Police Station ng imbestigasyon. RNT/SA