MANILA, Philippines- Mas malaki ang ibabayad ng mga kustomer ng Manila Electric Company (Meralco) para sa kuryente ngayong buwan, kasunod ng mas mataas na generation charges dahil sa bumababang supply sa gitna ng matinding init ng panahon.
Sa abiso, sinabi ng Meralco na magtataas ito ng singil ng 46.21 centavos hanggang P11.4139 per kilowatt-hour (kWh) mula P10.9518 per kWh noong Marso. Nangangahulugan ito ng karagdagang P92 para sa residential customers na kumokonsumo ng 200 kWh.
Inihayag ng Meralco na dulot ito ng pagtaas ng generation charges na umakyat ng 44.55 centavos per kWh, bukod sa mas mataas na gastos mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at Power Supply Agreements (PSAs).
Nakapagtala rin ang transmission charges, taxes, at ibang charges ng net increase na 1.66 centavos per kWh, habang sinabi ng Meralco na hindi nagbago ang distribution charge nito sa 3.60 per kWh, mula pa noong August 2022.
“We are appealing to our customers to refrain from flying kites and picking fruits near power lines since these can cause power interruptions and accidents,” ani Meralco vice president and head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga sa parehong abiso.
Pinangangasiwaan ng Meralco ang konstruksyon, operasyon, at maintenance ng electric distribution systems sa mga lungsod at munisipalidad ng Bulacan, Cavite, Metro Manila, at Rizal, maging sa ilang lugar sa mga lalawigan ng Batangas, Laguna, Pampanga, at Quezon. RNT/SA