Home NATIONWIDE Angkop na parusa vs maglalabas ng classified info, isinulong ni Tolentino

Angkop na parusa vs maglalabas ng classified info, isinulong ni Tolentino

MANILA, Philippines- Bilang tugon sa kontrobersyal na isyu ng “PDEA leaks”, isinulong ni Senator Francis ‘Tol’ Tolentino ang Senate Bill No 2667, kilala rin bilang “National Security Information Clearance Act’ na naglalayong maingatan ang mga classified information at patawan ng mabigat o angkop na parusa ang mga maglalabas nito.

Sa pagdinig ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, nilinaw ni Sen. Tolentino na hindi siya makikialam sa evidentiary at ultimate facts hinggil sa isyu ng PDEA leaks.

Sa halip, ang kanyang pokus ay ang pangangailangang magtatag ng malinaw na batas tungkol sa classified information.

Binigyang-diin niya na sa kasalukuyan ay walang batas sa usaping ito, pero mayroong umiiral na memorandum circular no. 78, s.1964 at executive order no. 608, s. 2007 na walang tiyak na parusa para sa mga paglabag.

Ani Tolentino, kailangan nang magkaroon ng batas na tutugon sa paghawak, pag-iimbak, pamamahagi at accounting ng classified information.

“Wala tayong batas, administrative sanctions lang ang meron,” sabi ni Sen. Tolentino.

Kinumpirma ni Justice Undersecretary Raul Vasquez ang kakulangan ng mga umiiral na batas sa classified information, na nagsasaad na kung walang batas, walang krimen.

Dahil dito, hinimok ni Sen. Tolentino na isama sa committee report ang Senate Bill No. 2667 at isumite sa plenaryo para konsiderasyon.

Naniniwala siya na ang inisyatiba na ito ay makatutulong na punan ang mga puwang sa batas at tulong sa pagtugon sa mga katulad na isyu sa hinaharap. RNT