Home NATIONWIDE Zero backlog sa mga lisensya, plaka sa Hulyo target ng LTO

Zero backlog sa mga lisensya, plaka sa Hulyo target ng LTO

MANILA, Philippines- Tiniyak ni Land Transportation Office (LTO) chief Atty. Vigor Mendoza nitong Martes na hindi na magkakaroon ng backlogs sa pagpapalabas ng driver’s license cards at mga plaka simula sa Hulyo.

Sa Palace press briefing, sinabi ni Mendoza na nakipagpulong siya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung saan sinabi niya sa Chief Executive na sapat ang supply ng license cards at mga plaka para sa taong ito.

“Dahil nga dito by July 1 of this year, dapat wala na pong backlog… we can see, on track po tayo diyan,” ani Mendoza.

Nauna nang inanunsyo ng LTO na sisimulan nito ang pag-isyu ng plastic card driver’s licenses sa Abril 15.

Kasunod ang muling pagpapalabas ng plastic driver’s licenses ng pagkalos ng Court of Appeals (CA) sa injunction order na pumigil sa ahensya na makatanggap ng plastic cards.

Noong Oktubre, inihayag ng LTO na nagpo-produce ito ng isang milyong license plates kada buwan sa gitna ng backlog nitong 80,000 plaka noong panahong iyon. Batay sa pagtataya ng LTO, ang demand para sa motor vehicle plates ay halos 2,000 sasakyan kada araw. RNT/SA