Home NATIONWIDE Tsina dapat kasuhan muli sa itinatayong isla sa Palawan – Carpio

Tsina dapat kasuhan muli sa itinatayong isla sa Palawan – Carpio

MANILA, Philippines- Dapat nang kasuhan ng Pilipinas ang China dahil sa itinatayo nitong isla sa Escoda (Sabina) Shoal sa Barangay Pag-asa sa Kalayaan, Palawan.

Sinabi ni retired Senior Associate Justice Antonio Carpio na dapat itong isama sa inihahandang kaso laban sa China sa pagkasira ng mga bahura sa Escoda Shoal at Rozul Reef na unang napaulat noong September 2023.

Nanawagan si Carpio sa Department of Justice na kailangang managot ang China sa pinsala sa marine environment sa Escoda Shoal at Rozul Reef at partikular na binigyang-diin ang ilegal na pagtatayo isla para malaman ng iba pang bansa.

Marapat aniya na magpatrolya ang Philippine Navy at Coastguard ng 24 oras at hikayatin ang mga kaalyadong bansa na magpatrolya sa Escoda at Rozul Reef.

Magugunita nitong nakaraang taon na sinabi ni Carpio na maaring makakuha ng danyos ang Pilipinas dahil sa pagkasira ng coral reefs sa Rozul Reef at Sabina Shoal at kahit tumanggi ang China na magbayad ay maari itong makolekta ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagbawas sa utang ng bansa sa Beijing. Teresa Tavares