Home NATIONWIDE ‘Smooth performance’ ng bagong voting machines ibinida ng Comelec

‘Smooth performance’ ng bagong voting machines ibinida ng Comelec

91
0

MANILA, Philippines- Naging maganda ang performance ng Automated Counting Machines (ACMs) sa ginawang test run na ng Commission on Elections sa Batangas bago ang 2025 midterm elections, sinabi ng isang opisyal nitong Biyernes.

Ayon kay Comelec Spokesman Atty. John Rex Laudiangco, sa test run ng mga makina sa Rizal College sa Taal, Batangas ay naging “flawless” ang takbo ng mga demonstration machine ng bagong ACM.

“Pinasubok nga po natin sa mga guro, sa mga mag-aaral at ilang opisyales ng pamahalaan dito at tuwang-tuwa po sila sa paggagana at maayos na sistema ng bagong makina,” sabi ni Laudiangco sa televised briefing.

Kung ikukumpara sa mga nakaraang Vote Counting Machines (VCMs) at Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine ng Smartmatic, mas mabilis at may mas magagandang feature ang ACMs, sabi ni Laudiangco.

Ayon pa kay Laudiangco, napakabilis ng pagbasa ng makina – 200 millimeters per second– kumpara sa dating 70 millimeters per second lamang.

Ikalawa, ang kagandahan dito, sa dating mga makina – ang PCOS at VCM- ang pagpasok ng balota ay hindi alam kung paano binilang ang mga boto maliban sa resibo.

“Dito po, may malaking screen kung saan ang botante pa lamang po, pagpasok niya ng balota, makikita niya ang imahe mismo ng balota at ang pagkakasuma kung papaano binilang iyong kaniyang balota – bukod pa sa hawak niyang mas malaking resibo. So iyong botante po ay hindi uuwi nang hindi niya alam kung papaano binasa ang kaniyang boto.”

Dagdag pa ng opisyal, ang ACMs ay may anim na servers para sa mas mahusay na transparency.

Kasama sa servers ang media, ang Comelec, ang PPCRV, ang NAMFREL, ang dominant majority party at dominant minority party, kung saan ang server ng Comelec ay naka-mirror sa Department of Information and Communications Technology, real time, bukod pa sa ia-upload nang real time sa election results website, wika pa ni Laudiangco.

“Ang isa pang pinakamahalagang feature po ng makina nito ay pagkatapos po ng botohan, kami’y nakapag-imprenta na ng unang walong election return, nakapag-transmit ng resulta at naimprenta na rin iyong 22 pa na election return – isa-isang ipapakita sa malaking screen na iyan ang bawat balota na binasa ng makina,” anang opisyal.

“Sabi nga po ni Chairman Garcia, puwedeng piktyuran, puwedeng i-video nang sa ganoon mano-mano nating maitara at maikumpara sa resultang hawak na papel, sa resultang nai-transmit sa mga servers at higit sa lahat, sa resultang makikita sa election results website.”

Nilinaw ng Comelec na walang opsyon para sa botante upang itama ang anumang pgkakamali sa kanilang balota kapag ito ay naisumite– binanggit na isang balota lamang ang inilaan sa bawat botante.

Maliban na lamang aniya kung ang problema ay mismong balota o makina, doon lamang magkakaroon ng pagkakataon na palitan ang mga balota.

“Pero kung ang nagkamali po ay botante, paumanhin po, isa lamang pong balota ang ibibigay kada botante po. At kailangan pong ingatan natin, wala pong pagkakataon para palitan iyong inyong naboto, except iyong nabanggit ko po kanina – kinulang doon sa 12 senador, hindi nakumpleto, iyon lamang po ang may pagkakataong dagdagan para makumpleto po at mabuo iyong 12 senador na iboboto,” sabi ng opisyal. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here